Advertisers
KUNG siya ang pangulo, maglalaan ng mula sa P1.5 hanggang P30 bilyong pautang sa micro, small and medium enterprises (MSMEs) si Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno” Domagoso upang mabilis na makabangon ang ekonomya ng bansa na labis na naapektuhan ng umiiral na pandemya.
Ipinangako ito ni Yorme Isko, standard bearer ng Aksyon Demokratiko nang dumalaw sa San Fernando City, Pampanga sa mga manggagawa ng tatlong pabrika sa lalawigang ito kamakailan.
Kasama ni Isko ang katiket na kandidatong pangalawang pangulo, cardiologist Dr. Willie Ong, at kandidatong senador, Moro civic leader Samira Gutoc; dalawang ulit na dating konsehal ng Quezon City Jopet Sison at lisensiyadong nars at nagpapaanak, Dr. Carl Balita.
Humanga ang alkalde sa katatagan ng Pampanga’s Best sa San Fernando City, ABS Corporation sa Bacolor at Co Am Philippines sa Clark Freeport na hindi nagbawas ng manggagawa sa kabila ng masamang epekto ng pandemyang COVID- 19 sa maraming negosyo sa bansa.
“I am very much impressed,” sabi ni Isko, at idinugtong na marapat na maging modelo ang tatlong kompanya.
Kahit isang empleyado, walang tinanggal sa trabaho at nagpatuloy sa operasyon sa kabila ng pandemya, sabi ng alkalde.
Gumagawa ng masarap na tocino ang Pampanga’s Best; gumagawa ng matitibay magagandang disenyo ng muwebles na gawa sa yantok ang ABS Corp.; at nag-eexport ng used clothes ang Co Am Philippines.
“Sana po, matuto sa kanila ang marami pang small and medium enterprises sa tatlong kompanya,” sabi ni Yorme Isko.
Pag-aari ng mag-asawang Jun at Lolet Hizon ang Pampanga’s Best na mayroong 1,350 kawani at pangulo ng kompanya ang tatlong ulit na halal na si Mayor Jomar Hizon.
Binibili ng Walmart at Target at iba pang kompanya sa US ang gawang muwebles ng ABS Corp. na mayroong 500 manggagawa at ito ay pag-aari at pinamamahalaan ni Raul Aquino na may negosyo rin sa konstruksiyon, food franchise at iba pa.
Matapos ayusin at irepake, iniexport ng Co Am Philippines na may 1,600 kawani na pag-aari ni Aron Ang ang imports used clothing and re-exports to several countries after careful processing and repackaging.
Laging namimigay ng trak-trak na libreng damit ang Co Am Philippines sa mga biktima ng kalamidad at bagyo.
Umaabot sa 99.5 percent ng negosyo sa bansa ay binubuo ng MSMEs at pag-aari ng Filipino taipan at oligark ang 0.5 percent ng 4,761 pinakamalalaking negosyo sa bansa.
Palakasin at gawing mas mabilis at magaan ang pagpapautang, pagrerehistro at dokumentasyon ng mga negosyo ay magiging isa sa prioridad sa Kilos 10-point agenda ni Yorme Isko kung susuwertihin siya na manalong pangulo sa halalan sa Mayo 2022.
“Ating palalakihin ang loan pool para sa MSMEs mula sa P1.5 bilyon hanggang P30 bilyon, ” sabi ni Isko.
At upang mas makaakit ng dayuhang kapital, kailangan na magtayo ng maraming special agri-economic zones at negosyo upang mapalakas ang kabuhayan ng bansa, sabi pa ng pambatong kandidato ng Aksyon Demokratiko.
Sisikapin din niya, dagdag ni Yorme Isko na mas malawak at mas mabilis na pagbabakuna upang matamo ang ‘herd immunity’ upang muling mabuksan ang lahat ng negosyo na magbibigay ng trabaho sa maraming nakatambay at nang makabangon na ang kabuhayan ng bansa.