Advertisers
NAKATAKDANG rumampa ni Mommy Caring sa pista pagsalang nito sa 2021 PHILRACOM “PSA Stakes Race” bukas, (Linggo) sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.
Lahi nina Striding Ahead at On A Mission, ipakikita ni Mommy Caring ang husay nito sa karera sa distansyang 1,600 meter race, makakalaban nito ang walo pang tigasing kabayo na nag-aasam na masungkit ang P300,000 premyo.
Inaasahang malaki ang susuportang karerista kay Mommy Caring na pag-aari ni James Anthony Rabano at rerendahan ni jockey Lester De Jesus.
Magiging mahigpit na katunggali ni Mommy Caring ay si Roll Da Dice na sasakyan ni former Philippine Sportswriters Association, (PSA) Jockey-of -the-Year awardee Patty Dilema.
Ang ibang kalahok sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) sa pamumuno ni chairman Reli De Leon ay sina Fiesta Cubano, Well Done, Arrabiata, Money Changer, Shanghai Silk, Luke Skywalker at Tocque Bell.
Noong Setyembre lamang ay nasikwat ni Mommy Caring ang korona sa 2021 PCSO 3-year-old Maiden Stakes Race na nilarga rin sa San Lazaro.
Komento ng ibang karerista, malaki ang tsansa ni Mommy Caring na manalo dahil gamay nito ang pista.
Samantala, masisilayan din sa nasabing araw ng karera ang bakbakan sa PCSO Silver Cup kung saan ay magtatapat ang mahigpit na magkaribal na sina Super Swerte, Boss Emong at reigning Presidential Gold Cup champion Pangalusian Island.(Marlon Bernardino)