Advertisers
MAY nagkakanlong pala na local government at police official sa dalawang notoryus na drug traders sa katauhan nina alias Ocampo at alias Gigi sa bayan ng Balete kung kayat “untouchable” ang operasyon ng rebesahan ng jueteng ng mga ito sa Brgy. Sala ng nasabing bayan.
Ang rebesahan ng jueteng sa Brgy. Sala na lalong kilala bilang Small town lottery bookies ay siyang front ng naturang mga salot sa pagbebenta ng shabu sa may 13 barangay ng nasabing bayan at mga kanugnog na munisipalidad.
Nagtataka naman tayo kung bakit hindi umaaksyon si Mayor Wilson Maralit laban dito kina alias ocampo at alias Gigi?
Kapag ganito kakupad kumilos sina Mayor Maralit at ang kanyang police chief ay di malayong mapaghinalaang “namamantikaan din ang kanilang mga nguso” ng labag sa batas na operasyon nina alias Ocampo at alias Gigi?
Sino naman kaya ang LGO at police official na nagbibigay ng proteksyon sa dalawang mga hinayupak na ilegalistang ito, mga KASIKRETA, sino sa palagay nyo?
Minsan pa nating isusumbong ang mga satanas na ilegalistang ito kina Batangas PNP Provincial director, P/Col. Glicerio Cansilao at Provincial Intelligence Chief (S2) P/Major Niel Gaspar.
Samantala, hindi pa man namamatay ang usok na likha ng kontrobersyal na Oxford University diploma ni Presidential aspirant Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., ay may bago na naman itong kinakaharap na malaking problema.
Kilala din bilang anak ng tinaguriang diktador ng Pilipinas, si Bongbong na bantog din sa kanyang acronym bilang BBM ay nasasalang na naman sa balag ng alanganin dahil sa pagkalantad ng katotohanang sentensyado na pala siya sa kasong paglabag sa tax law ng bansa noong taong 1995.
Nakumpirma din na si BBM pala ay nahatulan ng Quezon City Regional Trial, Branch 15 ng pagkabilanggo at pagbabayad pa ng multa sa apat na kaso noong 1995 kaugnay sa mga usapin ng di pagbabayad ng Income Tax Return.
Gayunman ibinaba noong 1997 ng Court of Appeals ( CA) ang hatol sa kanya at sa halip na ipakulong ay pinatawan na lamang ang batang Marcos ng multa.
Hindi na nag-apela sa Korte Suprema si BBM kayat naisa-pinal ang hatol sa kanya ng CA.
Bagamat anak si BBM ng diktador, ang pagkakakilala ng mga nakararami ay ang kaisa-isang anak na lalaki ng pinatalsik na Pangulong Ferdinand Edralin Marcos at Imelda Romualdes Marcos ay sakdal linis at di katulad ng kanyang mga magulang.
Ngunit ngayon ay ipinepetisyon na ipinadidiskwalipika ang kanditura nito, at ang batayan ay ang pagiging sentensyado nito sa kasong kriminal ng QC, RTC Branch 15, noong 1995.
Anim na kinatawan ng grupong nakaranas ng pag-abuso ng matandang Marcos, ang nagharap ng reklamo sa Commission on Election (COMELEC) may ilang araw pa lamang para pawalang bisa ang inihaing kandidatura ni BBM.
Ang nasabing grupo ay ilan lamang sa napakaraming naging biktima ng karahasan at pagmamalabis noong panahon ng Martial Law at sa mahigit na dalawang dekadang pagiging diktador ni Marcos Sr. sa bansa.
Ipinababasura sa COMELEC ng naturang grupo ang Certificate of Candidacy (COC) ni BBM dahil sa nagsinungaling anila ito sa dokumentong inihain nang magfile ito ng COC pagkat sentensyado nga pala ito sa paglabag sa itinatakda ng tax law sa Pilipinas..
Sabi naman ni Atty. Vic Rodriguez, abogado ni BBM at ng kampo nito ay political propaganda lamang ang paghahain ng petisyon laban sa kanilang kandidato.
Gayunman, hindi magsisinungaling ang opisyal na tala sa hukuman.
Pero sa totoo lang mga KASIKRETA maging ang inyong lingkod ay namangha sa katotohanang bumulaga sa atin na nasentensyahan pala sa paglabag sa batas si BBM sa panahong ito ay vice governor pa lamang ng Ilocos Norte.
Noong tumakbo sa senado at sa pagka-bise presidente si BBM, ay hindi naungkat at di rin naging isyu ang pagiging isang ex-convict nito, pagkat nalingid ang katotohanang ito sa mata ng publiko.
Ngunit malaki ang pagkakaiba ngayon kesa noon, pagkat ipinepetisyon na balewalain ng COMELEC ang COC ni BBM.
Kaya ang kapalaran ni Bongbong sa larangan ng pulitika ay nakasalalay pa sa COMELEC o kaya ay sa Korte Suprema.
Naging kwestyunable din ang katapatan ni BBM bilang pulitiko nang ipost sa Senate website nito na siya ay nakapagtapos ng Bachelor of Arts (BA) sa University of Oxford sa United Kingdom.
Hanggang nito lamang nakaraang buwan ay mahigpit pa ding pinagtatalunan ang katumpakan ng iginawad na Oxford diploma kay BBM.
Ngunit nito rin lamang nakaraang buwan ay lumitaw ang katotohanang ang ipinagangalandakan palang diploma ni BBM na isang baccalaureate degree sa banyagang unibersidad ay isa lang palang Special diploma on Social Studies sa University of Oxford.
Nakintal tuloy sa isip ng inyong lingkod ang banyagang kasabihan na “The first step toward greatness is to be honest”.
Tunay na kailangan ng lipunang Pinoy sa ating panahon ang isang pulitiko na malinis, tapat sa kanyang mga mamamayan at tumutugma ang katangian sa kasabihang ito.
Kung kayo mga KASIKRETA ang tatanungin, taglay ba ni Ferdinand “Bongbong Marcos Jr., o BBM ang karakter na ito?
***
Para sa inyong komento: Cp # 09293453199 at 09664066144, email: sianing52@gmail.com