Advertisers

Advertisers

Kumpiyansa ng mga ayaw, kuhanin… BONG GO: WALANG PILITAN SA BAKUNA

0 256

Advertisers

Inihayag ni Senator at Committee on Health chairman Christopher “Bong” Go sa halip na pilitin ay mahalagang makuha ng mga kinauukulan ang tiwala at kumpiyansa ng ating mga kababayan upang kanilang maunawaan ang kahalagahan ng pagbabakuna laban sa COVID-19.

Sinabi ng senador na dahil walang batas para sa mandatong pagbabakuna, dapat ay sikapin ng pamahalaan na mapataas at mapalakas ang kaalaman ng publiko na ang pagbabakuna ay magpoprotekta sa mga komunidad upang marating ang herd immunity at maibalik sa normal ang ating ppamumuhay.

Nanawagan si Go sa gobyerno na pag-ibayuhin pa ang information dissemination campaign, sa pagsasabing ang awareness building initiatives ay patunay na mas epektibo sa pagpapalakas ng kumpiyansa sa bakuna.



“May mga pag-aaral na nagsasabi na tumataas naman ang vaccine confidence ng mga Pilipino kumpara noong nagsisimula pa lang tayo. Ako rin po napapansin ko sa pag-iikot ko, mas marami na ang willing magpabakuna,” ani Go.

“Kaya para sa akin dapat walang pilitan. Ang importante makuha natin ang kumpiyansa at tiwala ng mga kababayan natin at ipaintindi sa mga tao ang kahalagahan ng pagbabakuna laban sa COVID-19 dahil ito ang tanging susi at solusyon para makabalik tayo sa normal na pamumuhay,” patuloy niya.

Sa survey ng Social Weather Stations simula September 27 hanggang 30, natuklasan na 64% o 3 sa bawat 5 adult Filipino ay nais nang magpabakuna.

Iginiit din ni Go ang kanyang apela sa lahat ng sangay ng gobyerno at sektor ng lipunan na magkaisa upang ipakilala ang bagong paraan ng pagbibigay ng insentibo sa pagbabakuna upang makuha ng bansa ang population protection tungo sa herd immunity sa lalong madaling panahon.

Upang mapalawak ang vaccination coverage sa Metro Manila, sinusuportahan ni Go ang apela ng Metro Manila Council ng Metro Manila Development Authority sa Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases na luwagan ang ilang COVID-19 guidelines sa mga fully vaccinated.



“Sa halip na gawing mandatory ang vaccinations, dapat palakasin na lang natin ang panghihikayat sa ating mga kababayan na magpabakuna,” ani Go.

“Maaaring magbigay tayo ng mga incentives sa mga bakunado, tulad ng mas maluwag na mga patakaran. Maaaring puwede sila kumain at pumasyal sa labas, makapagtrabaho at makagalaw nang wala masyadong restrictions,” panukala ng senador.

Ipinunto niya na ang mga fully vaccinated individuals ay hindi madaling kapitan ng sakit na nauuwi sa kamatayan dulot ng COVID-19.

Ibig sabihin, ang mga fully vaccinated ay maaariong magkaroon ng normal na aktibidad pero dapat ay sinusunod pa rin ang basic health protocols, gaya ng pagsusuot ng mask, pag-obserba sa social distancing at iba pa.

Kaya sinabi ng senador na palawakin pa ang rollout, paramihin ang vaccination centers at kung kailangan ay suyurin ang mga pamamahay upang masigurong walang maiiwan sa ating muling pagbangon.