Advertisers
KAHIT mamamatay-tao, gambling lord, drug lord, smuggler, magnanakaw ng pera sa pamahalaan o kahit sinumang kriminal ay puwedeng tumakdo sa anumang posisyon sa halalan.
Hindi ‘yan ipinagbabawal ng Omnibus Election Code at Fair Election Law hangga’t walang desisyon ang Commission on Elections (Comelec) laban sa mga nasabing napakasasamang tao.
Pokaragat na ‘yan!
Sabi ng tagapagsalita ng Comelec na si James Jimenez, wala sa mandato ng Comelec ang tanggalin sa listahan ng mga kandidato sa halalan kahit na mayroong hatol o desisyon ang anumang korte sa Pilipinas tulad ng Regional Trial Court (RTC) at Court of Appeals (CA).
Inilinaw ni Jimenez na kailangan munang mayroong taong maghahain ng pagpapakansela ng certificate of candidacy (COC) o magpapadiskuwalipika sa kandidatura ng kandidatong mayroong kasong kriminal na hinatulan ng korte ng “guilty”.
Ipinaliwanag ito ng opisyal nang tanungin siya ng midya hinggil sa pagpayag ng Comelec na tumakbong kongresista ng Ilocos Norte, senador at pangaalawang pangulo sa mga nakalipas na halalan ang pulitikong si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Sa pagkapangalawang pangulo lamang natalo si Marcos Jr. noong halalang 2016.
Nagpaliwanag si Jimenez dahil naungkat ang kaso ni dating Senador Marcos Jr. ukol sa buwis noong 1995.
Batay sa impormasyong lumabas sa midya, hinatulan ng isang RTC si Marcos Jr. ng kasong paglabag sa ilang probisyon ng Tax Code of the Philippines.
Napatunayan ng RTC na nakagawa ng krimen si Marcos Jr. o BBM dahil napatunayang hindi siya naghain ng kanyang income tax return (ITR) at hindi rin nagbayad ng buwis noong bise-gobernador at gobernador siya sa Ilocos Norte noong 1982 hanggang 1985.
Pagkabilanggo at multa ang hatol ng RTC laban sa naturang pulitiko.
Inapila ni BBM ang kaso sa CA.
Noong 1997, nagpasya ang CA kung saan tinanggal nito ang hatol ng RTC na pagkulong kay BBM.
Multa na lamang at pagbabayad bng buwis ang parusa kay BBM.
Pokaragat na ‘yan!
Kahit na tinanggal ang parusang pagkabilanggo, malinaw na mayroong linabag na probisyon ng Tax Code si Marcos Jr.
Napakalinaw na mayroong linabag na batas si Marcos Jr.!
Ang punto ng Comelec, hindi awtomatik na bawal nang tumakbo ang sinumang Filipino na napatuyan ng korte na mayroong linabag na batas ng Republika ng Pilipinas.
Kaya, magpapasya pa lamang ang isa sa dalawang dibisyon ng Comelec laban kay Marcos Jr. dahil mayroong naghain ng petisyon na humihiling sa Comelec na kaselahin ang COC ni Marcos Jr. sa pagkapangulo.
Si Marcos Jr. ay kandidato ng Partido Federal ng Pilipinas (PFP) sa pagkapangulo ng bansa sa halalang isasagawa sa Mayo 2022.
Aaksyon lamang ang Comelec sa kaso ni BBM dahil mayroong nagreklamo sa nasabing ahensiya laban kay Marcos Jr.
Kaya, habang walang desisyon ang Comelec, ligal ang pagtakbo ni Marcos Jr. sa pagkapangulo ng Pilipinas kahit napatunayan ng CA na mayroong linabag na probisyon sa Tax Code of the Philippines si Marcos Jr.
Kung susundin ang mga paliwanag at argumento ng Comelec, partikular ni Jimenez, nangangahulugang lahat ng mga kriminal tulad ng mga mamamatay-tao, jueteng lord, drug lord, smuggler, korap, mandarambong kuwarta ng pamahalaan at iba pa ay napakalayang tumakbo kahit anong posisyong halal sa pamahalaan tuwing halalan sa bansa tulad ng magaganap sa susunod na taon.
Basta ang kondisyon o alituntunin ng Comelec o binabanggit ng mga batas hinggil sa halalan ay walang taong naghain ng pagkansela ng COC o humiling ng diskuwalipikasyon sa Comelec.
Pokaragat na ‘yan!
Kung gayon, walang dapat ipagtaka sa pagtakbo ng taong pinaniniwalaang jueteng lord sa Region 4 – A o Rehiyong Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon) bilang alkalde sa Laguna.
Ang operasyon ng jueteng ng nasabing jueteng lord ay garapalang namayagpag noong si Major General Vicente Danao Jr. ang hepe ng Philippine National Police (PNP) sa Calabarzon.
Brigadier general pa lang ang ranggo ni Danao noon.
Ayon sa nakakaalam sa pasugal ng jueteng lord, matikas ang taong ito.
Hindi siya ginalaw ng PNP sa Calabarzon.
Palagay ko, kilala siya ni alyas “Tita” dahil pareho silang nakabase sa Laguna.
Si alyas Tita ang batikan sa mundo ng iligal na sugal na binansagang “bookies” ng ilang pasugal ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Ito ang pangunahing batayan kung bakit tinawag na “reyna” ng bookies si alyas Tita.
Kapag nanalo ang jueteng lord sa pagkaalkalde, asahan nang magiging talamak ang huweteng sa bayang kanyang paghahariang lugar mula mula hanggang 2025.
Pokaragat na ‘yan!
Ayon sa impormante, lahat ng diskarte ay ginagawa ng nasabing kandidato upang manalo sa halalan.
Isa sa mga diskarte ng nasabing kandidato ay pagpapalabas ng balita ukol sa kanya.
Siyempre, nakapogi ng nasabing kandidato sa lumabas na balita hinggil sa kanya.