Advertisers
PINANGUNAHAN ni Manila Mayor Isko Moreno ang 29th National Children’s Month Celebration sa Maynila, kung saan binigyang diin niya na bukod sa pagtulong sa pangangailangang nutrisyon ng mga ito at pagtataguyod ng kanilang mga karapatan, ang pamahalaang lungsod ay nakatuon din sa pagbabakuna sa kanila, partikular sa mga kwalipikado na edad 12 hanggang 17 anyos.
Si Moreno ay sinamahan nina Vice Mayor Honey Lacuna at Manila social welfare department chief Re Fugoso sa paglulunsad ng pagtitipon na tinawag na : “New Normal na Walang Iwanan; Karapatan ng Bawat Bata Ating Tutukan” na sumaksi rin sa paglulunsad ng Manila Child Protection Handbok, pagkilala sa mga nanalo sa poster- making contest at ribbon-cutting ng art exhibit of children sa Bulwagang Rodriguez ng Manila City Hall.
Pinangunahan naman ni Lacuna ang ‘Panunumpa ng Kabataan’ kasama ang Manila Council for the Protection of Children chairman na si Moreno at Fugoso bilang vice chairman.
Sa kanyang state of the children’s address, muling iginiit ni Moreno ang buong-buong suporta ng pamahalaang lokal upang maitaguyod ang magandang kinabukasan ng mga bata sa Maynila tulad na lamang ng mga aksyong ginagawa ng mga lokal na awtoridad na mabilis na tugunan ang mga problemang may kinalaman sa hindi inaasahang kagutuman na dinanas ng mga bata noong Setyembre nang nakaraang taon.
Sinabi ni Moreno na nagawa nilang tugunan ni Lacuna ang nakikitang problema sa tulong at suporta na ibinigay ni Fugoso at Manila Health Department chief Dr. Poks Pangan.
Nabatid na regular na nagbigay ang pamahalaang lokal ng ‘Nutri-Bun’ bukod pa sa supplemental feeding ng mga bata sa daycare.
Sinabi ni Fugoso na ang “Manila Child Protection Manual” na naglalaman ng mga basic information at guide kung paano iha-handle ang rescue operations,.child case management at paano pangangalagaan ang karapatan ng mga bata ay ibinibigay sa mga social workers, barangays at pulis.
Sinabi pa ni Fugoso na ang poster-making contest, ay inilunsad nitong June kung saan 150 kabataan ang lumahok. Ang first placer’s artwork ay ginamit sa cover ng manual ay ini-sponsor ng ASMAE Philippines.
Sinabi pa rin ng alkalde na naglunsad din ng ekatensibong programang pang-nutrisyon sa lungsod upang pagkalooban ng wastong nutrisyon ang mga bata sa Maynila kung saan kasama na rin dito ang pagbabakuna.
Kamakailan lang, ayon kay Moreno, ang lungsod ay nakapagbakuna na ng 26,000 minors mula sa 58,000 na nagparehistrong edad 12 hanggang 17 anyos sa inoculation program ng lungsod. (ANDI GARCIA)