Advertisers
HINAMON ni Manila Mayor at Aksyon Demokratiko standard bearer Isko Moreno ang national government na dumulog na lamang sa hukuman kung nais ng mga ito na mapahinto ang ipinaiiral niyang ‘no face shield policy’ sa lungsod.
Nauna rito, nitong Lunes ay nagpalabas si Moreno ng executive order na nagsasaad na hindi na mandatory ang pagsusuot ng face shield sa Maynila, maliban na lamang kung ito’y sa hospital setting, gayundin sa medical at health facilities.
Sinabi naman ni Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque na ‘null and void’ ang kautusan ni Moreno ngunit nanindigan ang alkalde sa kanyang desisyon.
“If they are not happy, they can go to court and ask for declaratory relief. But our decision will stay,” pahayag naman ni Moreno, sa panayam sa telebisyon, bilang paninindigan sa nauna niyang desisyon na hindi na gawing mandatory ang pagsusuot ng face shield sa Maynila.
“Maliwanag naman, yung kapakanan ng tao. Sa aming local governments, yung hinaing lang naman ng tao ang aming dinidinig. That’s the purpose of governance – tao una,” dagdag pa ng alkalde.
Binigyang-diin naman ni Moreno na inirerespeto niya ang opinyon ni Roque ngunit iginiit na walang kontrol si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga lokal na punong ehekutibo, sa ilalim ng Local Government Code.
“Control and supervision are two different matters. Control is the power to reverse, supervise is the power to oversee if laws are correct and not contradictory to existing laws,” paliwanag pa ni Moreno.
“And I think the President, who is a lawyer and a former City Mayor, will agree with me. He has no control over the mayors. He has the power of supervision,” dagdag pa niya.
Sinabi pa ng alkalde na hindi angkop na gamitin sa kanya ang argumento na ‘chain of command’ dahil ito ay para lamang sa militar at hindi sa civilian authority. (ANDI GARCIA)