Advertisers
INIHAYAG ni Las Piñas City Mayor Imelda Aguilar na umabot sa 45,000 menor de edad ang nakarehistro para sa bakunahan ng General Pediatric population ng nasabing lungsod.
Ani Aguilar, sumang-ayon ang mga magulang at guardian sa panawagan ng Lokal na Pamahalaan sa pagpaparehistro ng mga kabataan na mayroong edad 12 hanggang 17 upang mabakunahan laban sa COVID-19.
Nabatid na pumalo umano sa 45,000 registrants buhat sa target na 65,000 na babakunahan para mabigyan sila ng proteksiyon laban sa virus kung saan bahagi ito ng “Bakunahan sa Kabataan” program ng Las Piñas City Government.
Mayroon nang natukoy na vaccination sites ng lungsod upang bigyan ng kumpiyansa ang mga bata maging ng kanilang magulang ukol sa kahalagahan ng pagpapabakuna laban sa nakamamatay na virus.
Inihayag pa ng alkalde sa mga residente na may tatlong paraan ng pagpaparehistro ng kanilang mga anak na nasa naturang mga edad sa pamamagitan ng DEPED registration, barangay extended assistance at ng online registration via https://bit.ly/e-covid19reg.
Simula aniya ng umpisahan ng lokal na pamahalaan ang vaccination roll out para sa general pediatric population noong Oktubre 22, 2021 ,ipinapakita sa tala ang pursigidong mga kabataan na magpabakuna, na patuloy naman sa pagtaas ang kanilang bilang.
Samantala pinaalalahanan naman ni Vice Mayor April Aguilar ang mga magulang o guardian na kung sakaling makaranas ng anumang side effect ang kanilang mga anak pagkatapos mabakunahan ng COVID-19 vaccine ay iiskan lamang ang QR code na nakapost sa Las Piñas City government Facebook page at sagutan ang mga katanungan na nakasulat doon.(JOJO SADIWA)