Advertisers
“Mahirap maging mahirap. Kaya huwag nang pahirapan pa ang mga naghihirap.”
Umapela si Senator Christopher “Bong” Go sa pamahalaan na bigyan ng karagdagang cash incentives ang mga bakunadong Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) members upang mahimok ang mga natatakot o nagdadalawang-isip na magpabakuna na rin laban sa COVID-19 vaccines imbes na sila ay pilitin at takutin.
“Nananawagan ako kay Pangulong Duterte na magbigay tayo ng cash incentives para mahikayat ang mga 4Ps members na magpabakuna na sa lalong madaling panahon,” sabi ni Go.
Ipinanukala ni Go na ang lahat ng kuwalipikadong miyembro ng 4Ps ay fully vaccinated dapat para makatanggap ng karagdagang insentibo.
“Sa paraang ito, naenganyo na natin silang magpabakuna, nabigyan pa natin sila ng dagdag na tulong. Bagamat walang pilitan, wala rin naman tayong tigil na hikayatin sila dahil bakuna ang tanging susi at solusyon tungo sa pagbalik sa normal na pamumuhay,” dagdag ni Go.
Ayon sa DSWD, umaabot lamang sa 16% ng 4.17 million active 4Ps beneficiaries ang bakunado, as of 29 October 2021.
Samantala, nanawagan din si Go na palakasin ang vaccine confidence para makumbinse ang marami pang Filipino, kabilang ang indigents, para magpaturok ng COVID-19 vaccines.
“Ito po ang pinaka-vulnerable sa populasyon natin na prayoridad natin upang masigurong sama-sama tayong makakaahon sa hirap. Unang-una dito ang mga 4Ps households o ang kinokonsiderang poorest of the poor,” ani Go.
“Mahirap talaga ang maging mahirap. Kaya huwag na nating dagdagan ang pahirap sa kanila. Ayon sa datos, 16% pa lang ng 4Ps households ang bakunado. Kung kaya kailangan pa talaga natin paigtingin ang vaccine rollout upang suyurin at ienganyo sila na huwag matakot sa bakuna dahil ito ang tanging paraan upang malampasan ang krisis na ito,” idinagdag niya.
Hiniling din niya sa gobyerno na tiyaking nakararating ang bakuna sa mga rural areas at mahihirap na umaasa lamang sa suporta ng pamahalaan.
“Sa ating hangaring malampasan ang pandemya, sinisiguro ng gobyernong may tunay na malasakit na walang Pilipinong maiiwan sa ating muling pagbangon. Ito ang dahilan kung bakit napaka-importante po na magpabakuna upang maproteksyunan ang buong populasyon,” sabi ni Go.
“Bagamat marami na pong nababakunahan lalo na sa critical areas kung saan malaki ang populasyon, mataas ang hawahan noon, at tinatawag ring economic hubs tulad ng Metro Manila, huwag rin po sana natin pabayaan yung mga kababayan nating nasa malalayong lugar, mga mahihirap, mga walang matakbuhan o malapitan, at yung umaasa talaga sa tulong at suporta mula sa gobyerno,” iginiit pa ni Go.
Nauna rito, kinontra ni Go ang panukalang ‘no vaccine, no subsidy’ policy sa pagsasabing ito ay hindi makatarungan.
Ayon kay Go, wala dapat puwersahan ang pagbabakuna para lamang sila ay mabigyan ng tulong ng pamahalaan.
“Sa hirap ng buhay ngayon, huwag na natin silang mas pahirapan o pilitin pa. Tulungan at ipaintindi na lang natin sa kanila bakit mahalaga ang bakuna. Ilapit na natin sa kanila ang impormasyon at serbisyo na kailangan upang maproteksyunan ang buhay at kabuhayan ng lahat,” ipinunto ni Go.