Advertisers
NAKAPANAYAM natin nitong Biyernes sa National Press Club (NPC) weekly media forum via Zoom sina Comelec Spokesman James Jimenez at political analyst Prof. Ramon Casiple tungkol sa nalalapit na halalan at ang petition para sa pagkansela sa kandidatura ng presidential aspirant na si Bong Bong Marcos, at ang pagtakbo sa national ni Sara Duterte-Carpio via substitution.
Say ni Jimenez, ang nakahain sa Comelec laban kay Marcos ay petition for cancellation, hindi disqualification, dahil convicted ito sa mga kasong hindi pag-file ng income tax return (ITR) sa BIR.
Ang nagpapakansela sa kandidatura ni Marcos ay ang grupo ng mga naging biktima ng kanyang ama noong Martial law kasama ang human rights groups.
Ito ay reresolbahin ng Comelec bago magsimula ang kampanya sa Marso, sabi ni Jimenez.
Ibinalita rin ni Jimenez ang malaking bilang ng mga nagparehistro ngayon para makaboto sa darating na halalan. Umabot ito sa 65 million mula sa 60 million noong 2019.
Sinabi rin ni Jimenez na inaasahan nila na maraming withdrawals at substitutions na mangyayari hanggang Lunes, deadline ng substitution process.
Isa na nga sa nagwidro ng kandidatura sa pagka-mayor ay si Sara Duterte-Carpio ng Davao City na inaasahang tatakbo sa nasyunal, Bise o Presidente.
Speaking of substitution, sinabi ni Jimenez na posibleng baguhin nila ang regulasyon sa susunod na halalan, paiiksiin ang proseso. Pero hindi nila puwede tanggalin ang substitution dahil ito’y nasa Konstitusyon. Ang Kongreso lang ang puwede mag-alis, aniya.
Para naman kay Casiple, ang pagwidro ni Sara sa kanyang kandidatura sa pagka-mayor at paglahok sa national election ay maaring bunsod ng kasong kinakaharap ni Marcos sa Comelec.
Posible pa aniyang kumikilos ang kampo ni Duterte para makansela ang kandidatura ni Marcos para si Sara ang sumabak sa presidential derby.
Aniya, 2016 palang ay sinabi na ni Pangulong Rody Duterte na si Sara ang papalit sa pagbaba niya sa Hunyo 2022.
Naniniwala si Casiple na nasilip ng kampo ni Duterte na mahina ang kandidatura ni Marcos. Na trolls nalang ang nagpapalakas dito. Kahit nga raw ang partido (Federal Government) ni Marcos ay hindi kilala. Wala aniya itong mapagkukunan pa ng boto.
Tapos wala aniyang naging accomplishment si Marcos noong Senador ito. Dapat daw ay nagpasiklab ito noon para sa kanyang plano sa pagtakbong pangulo ng bansa.
Kaya malakas ang kutob ni Casiple na Presidente ang target ni Sara dahil matatalo lang si Marcos.
Sakali namang hindi aatras si Marcos para kay Sara, magkakaroon ng malaking tsansa ang ibang presidentiables tulad nina Leni Robredo, Isko Moreno at Manny Pacquiao.
Ang isa pang factor na magpapahina at magpapalakas sa presidentiables ay itong magdalawang taon nang pandemya sa Covid-19. Kung sino raw ang nagtrabaho, nakatulong sa mamamayan ay ito ang iboboto ng nakararami.
Pero sa ngayon, abangan muna natin sa Lunes kung sino-sino ang talagang kasali sa presidential derby…