Advertisers
SA kulungan ang bagsak ng mag-asawa nang kikilan ang isang lalaki para hindi nila ilabas ang mga pribadong larawan nito kasama ang isang babae sa motel.
Sa ulat, makikita sa video ng National Bureau of Investigation – Special Action Unit (NBI-SAU) ang pag-aresto sa suspek na si Jimmy Balenzoga at kaniyang angkas na misis na si Josie.
Dinakip si Balenzoga nang kunin niya ang perang iniabot sa kaniya ng complainant.
Nagpumiglas pa ang mag-asawa nang arestuhin ng mga operatiba.
Nabawi mula sa mag-asawa ang P20,000 marked money.
Ayon sa sumbong ng complainant sa NBI, tinangka siyang hingian ng pera ng babaeng naka-date niya na nakilala sa isang dating site.
Patagong kumuha ang babae ng mga hubad nilang larawan ng biktima habang nasa motel sila at tinakot ang biktima na ipapasa sa misis nito ang mga larawan kapag hindi ito nagbigay ng pera.
“Nagawa pang i-manage ng babae itong subject na kontakin itong asawa. Nanghingi pa ito ng pera sa wife para hindi lumabas at kumalat ‘yung nude photos and videos,” ayon kay Atty. Kristine Dela Cruz, Executive Officer ng NBI-SAU. “Grupo sila, so sindikato.
Alam niya ang different avenues kung paanong paraan pa nila makukuhaan ng pera ‘yung mga nabibiktima nila,” dagdag ni Dela Cruz.
Iginiit ng mag-asawa na biktima lang sila at hindi kasabwat.
“Maide-delete daw ang scandal nila, sabi ng babae. Parang na-blackmail po ako ng babae,” sabi ni Balenzoga.
Sinabi ni Atty. Dela Cruz na may alam si Balenzoga sa transaksiyon nila kaya kakasuhan ito ng robbery-extortion, paglabag sa RA 9995 o Anti-Photo and Video Voyeurism Act at paglabag sa RA 10175 o cybercrime law.
Patuloy na pinaghahanap ng mga awtoridad ang inirereklamong babae