Advertisers
PERSONAL na pinangunahan ni Senator Christopher “Bong” Go ang pagbubukas ng ika-149 Malasakit Center sa San Lorenzo Ruiz General Hospital sa Malabon City noong Martes.
Ito na ang pang-31 Malasakit Center sa Metro Manila at pangalawa sa lungsod, kasunod ng nasa Ospital ng Malabon na binuksan noong December 2019.
“Noong naging senador ako, isa ito sa mga una kong isinulong sa senado. Sila Congresswoman (Josephine Lacson-Noel) ang iilan sa mga nakipaglaban nito sa Lower House. Tinulungan nila tayo upang maging batas itong Malasakit Centers program,” sabi ni Go.
Sa kanyang speech, ipinaliwanag ng senador na layon ng mga nasabing center na pababain o i-zero balance ang hospital bills ng mga pasyente batay sa mga ibinigay na serbisyo sa ilalim ng Malasakit Centers Act of 2019, na iniakda at inisponsoran ni Go sa Senado
“Ang target nito ay zero balance. Halimbawa, may bill kayo sa ospital. Ilapit niyo lang ito sa apat na ahensya. Kung may naiwang balanse, pwede pong kunin ang pangdagdag sa pondong iniwan ni Pangulong (Rodrigo) Duterte para maging zero balance ang inyong billing,” paliwanag ni Go.
“Kaya kung may pasyente kayo, ilapit niyo siya sa Malasakit Center. Ano ho bang kwalipikasyon nito? Basta Pilipino ka, qualified ka. Kapag hindi ka tutulungan ng Malasakit Center pagalitan mo. Sabihin mo, ‘Hoy! Pilipino ako, karapatan ko ‘yan’,” anang presidential aspirant.
Ipinaalala ng kandidato sa pagkapresidente sa mga ospital na huwag tanggihan sa panggagamot ang mga pasyente dahil lamang sa usapin sa pinansiya.
Tiniyak niya na patuloy ang pagsuporta ng gobyerno sa nasabing layunin, patunay ang pagbibigay ng pondo ng gobyerno para sa konstruksyon ng new annex para mapalaki ang bed capacity ng mga ospital.
“Dapat walang pinipiling pasyente ang Malasakit Center. Doc, unahin niyo ang mga mahihirap at ‘wag niyo silang pabayaan. Iyon lang ang pakiusap ko sa inyo. Hindi naman kailangan ng mga mayayaman ang ospital na ito dahil doon sila sa mga pampribado,” ipinunto ni Go.
“Full support kami ni Pangulong Duterte sa inyo. Kung anong kailangan ninyo, tutulong kami. Ako naman, saan man ako padparin ng tadhana, tutulong ako sa inyo. Hindi ako titigil sa pagseserbisyo sa inyong lahat,” ang sabi ni Go.