Advertisers
UNA sa lahat, ang aming taos-pusong pakikiramay sa mga naulila ng Hataw publisher at columnist na si Jerry Yap, sa kanyang pagpanaw nito lamang Miyerkules.
Mabait na kaibigan si Don Jerry na matagal ko ring nakasama sa kampo ni Mayor Fred Lim bilang isa ding loyal na kaibigan at supporter ng yumaong alkalde.
Sa aking pagkakakilala sa kanya ay hindi mabilang ang kanyang natulungang kasamahan sa media kaya naman binaha ng pakikiramay ang social media sa kanyang paglisan.
Condolence sa kanyang mga naulila. Rest in peace, Don Jerry.
***
Kelan lamang ay sumama ang inyong lingkod sa ‘listening tour’ na ginagawa ni Manila Mayor at Aksyon Demokratiko presidential candidate Isko Moreno.
Sa Laguna isinagawa ang nasabing aktibidad, kung saan pinulong niya ang mga mamamayan ng Calamba, Cabuyao at District 1.
Sa kanyang pagtungo sa Pamantasan ng Cabuyao, City Hall ng Calamba, SM Calamba at sa District 1, talaga namang hindi magkamayaw ang mga tao sa kanya. Nang mananghali ito sa SM kasama si Mayor Justin Marc Chipeco, talagang nagtiyaga ang mga taong maghintay sa labas ng kainan para lamang makita at makapagpakuha ng litrato kasama si Mayor Isko.
Palibhasa nasa loob ng private area si Mayor Isko kasama sina Chipeco at mga kasamahang kandidato na sina vice presidential candiate Doc Willie Ong at senatorial candidates Carl Balita, Samira Gutoc at Atty. Jopet Sison, pati na din ang kanyang campaign manager na si Asst. Sec. Letlet Zarcal, kung saan ay nagpulong na din sila, nagulat si Mayor Isko nang makita ang mga taong naghihintay sa labas.
Gaya ng nakagawian, hindi niya binigo ang mga ito at siya pa mismo ang humahawak sa mga cellphone nila para magkuhaan ng litrato o ‘selfie’.
Libo-libo din ang pinanumpa ni Mayor Isko sa ginanap na paglulunsad ng ‘Bilis Kilos Movement’ sa District 1.
Nakakabilib ang kagalingang ipinamamalas ni Mayor Isko sa pagpapaliwanag ng kanyang mga nakahandang programa kapag siya ay palaring mapili ng mga Pilipino bilang lider ng bansa, lalo na pagdating sa pabahay, kalusugan, edukasyon at pagresolba sa kagutuman at mataas na bayad sa kuryente at petrolyo.
Kahit anong haba ng kanyang talumpati, lahat ay matamang nakikinig at nakatutok at aktibo pa silang nakikilahok. Minsan, may biglang sisigaw ng ‘I love you’ na palagian namang sinasagot ni Mayor Isko ng ‘I love you too’ at ito ay susundan ng hiyawan.
Damang-dama ng mga mamamayan na kaisa nila si Mayor Isko bilang tunay na nakaranas ng kahirapan, nagsumikap at umangat sa buhay. May tagos sa puso nila lahat ng karanasang ibinabahagi ni Mayor Isko kaya hindi nawawala ang kanilang interes at tuwa sa pakikinig.
Sa ganang akin naman, natuwa ako sa nakita ko nang biglang huminto ang aming convoy. May hinintuan ang kotseng kinalululanan ni Mayor Isko. Isang namamalimos. Pinaabutan niya ito ng tulong nang pasikreto at malayo sa mga camera ng media na kabuntot noon at nagco-cover nga sa kanya. ‘Yan si Mayor Isko.
***
Maaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para sa anumang reaksyon o impormasyon.