Advertisers
IDINIIN ni Pangulong Rodrigo Duterte na si presidential aspirant Senator Christopher “Bong” Go lang ang kanyang ieendorso at susuportahan sa pagkapangulo sa darating na halalan sa Mayo 2022 at nakahanda na aniya silang kumasa.
Nilinaw din ng Pangulo na ni minsan ay hindi siya narinig o wala siyang sinabi na susuportahang kandidato sa pagkapangulo.
Inamin ng Pangulo sa isang online interview na siya ang nagtulak kay Senator Go na tumakbong presidente matapos iatras ng senador ang nauna niyang kandidatura sa pagkabise-presidente dahil nagdesisyon si Davao City Mayor Sara Duterte na tumakbo na lamang sa pagkapangalawang pangulo.
Iniatras din ni Senator Bato dela Rosa ang kanyang presidential bid sa ilalim ng PDP-Laban Cusing wing kaya nawalan ng pambato ang partido ng admnistrasyon.
“Ayan bukas ang presidente, tumakbo ka,” ang sabi ni Duterte nang itulak niya si Senator Go sa pagkapresidente.
Naghain ng certificate of candidacy sa pagkapangulo si Go, bitbit ang bandila ng Pederalismo ng Dugong Dakilang Samahan (PDDS) at hindi ng PDP-Laban.
Ikinatwiran ng PDP-Laban na iniwasan lamang nila ang posibleng “legal implications” na kaharapin ni Go dahil na rin sa nangyayaring problema sa partido na nahati sa dalawang paksyon.
Ang PDDS at PDP-Laban ay nag-alyansa para suporta si Go.
“Nagbibigay ako guidance sa kanya. Kaya sabi niya, tatakbo si Inday, magwi-withdraw na lang siya (at) ayaw na niya. Eh sabi ko, bakit ganon, nakaumpisa ka na, eh ‘di tumakbo ka na lang na presidente eh ganon lang pala ang gagawin sa iyo, eh ‘di kasahan na,” ayon kay Pangulong Duterte.
“Ni minsan wala kayong narinig na mag-Marcos ako. Wala, wala kayong narinig. Kailan man hindi ako nagsalita na may susuportahan ako. Kinakausap ko lang for respeto. Pero I never, never gave a commitment na magsuporta ako sa kanila,” idinagdag ng Chief Executive.
Ipinagyabang ni Duterte ang taglay na magandang kalidad ni Bong Go kung kaya ang senador ang may pinakamataas na karapatan bilang kandidato na nararapat sa pinakamataas na posisyon.
Idiniin ang tunay na malasakit sa mga Filipinio, sinabi ng Pangulo na si Go ang malinaw na halimbawa ng isang public servant na makapagpapatuloy ng kanyang legasiya para sa kapakinabangan ng sambayanang Filipino.
“Eh wala itong ginawang hambog na kuwento na kaya niya, pero alam ko sa taon na nagserbisyo siya sa akin, alam ko isang (katangian) is talagang honest (siya). Wala ka talagang makita at masilip,” ani Duterte.
“The fact na umatras si Bong, siyempre alam ko na pinagbigyan kami ni Bong dahil nga siguro sa tagal na niyang serbisyo sa amin, at kilala, kaibigan ko ang pamilya nila. At naaawa ako sa nangyari, kita mo ‘yung tao napaiyak. Pero sabi ko, whatever is your decision I will support you, as a matter of principle,” iginiit ni Duterte.
“Ang suporta ko kay Bong as a matter of principle. Kaya nga kung matalo kami, eh kainin namin ‘yan. Basta ako, ‘pag ako nagsabi ng tao na susuportahan kita, susuportahan kita. Alam ninyo ‘yang isang salita lang ako,” pahabol pa niya.