Advertisers

Advertisers

Duterte, dapat makipag-ugnayan agad kay Xi Jinping

0 306

Advertisers

INSPIRASYON SA BUHAY: “… `Tandaan din ninyo: kung ang dalawa sa inyo ay nagkaisa dito sa lupa sa paghingi ng anuman, ito’y ipagkakaloob sa inyo ng aking Ama na nasa langit. Sapagkat saanman may dalawa o tatlong nagkakatipon sa pangalan ko, naroon akong kasama nila’…” (si Jesus, sa Mateo 18:19-20, Ang Tanging Daan Bibliya).

-ooo-

PANGULONG DUTERTE ANG MAY TUNGKULING BATIKUSIN ANG SOUTH CHINA SEA WATER BOMBING NG MGA BARKONG PILIPINO: Ang Pangulong Duterte ang may tungkulin upang magpahayag ng puna at batikos sa ginawang pambobomba ng tubig ng mga Chinese coastguard ships sa dalawang barkong militar ng Pilipinas na magdadala sana ng mga pagkain at iba pang supplies sa mga sundalong Pilipino sa Ayungin Shoal sa West Philippine Sea noong Martes, Nobyembre 16, 2021.



Sa pananaw nilang ito, hinihikayat ng mga abogado at ng mga mangangaral sa iba’t ibang Simbahang Lristiyano sa bansa ang Pangulong Duterte na agad itong makipag-ugnayan sa kaniyang counterpart na pinuno ng China, si President Xi Jinping, upang hingin sa Chinese leader ang paumanhin sa ginawa ng mga Chinese coastguard ships sa mga barko ng Philippine military.

Ayon sa mga abogado at mga mangangaral, tutal ay magkaibigan naman ang turingan ni Duterte at ni Xi Jinping, kaya’t dapat lamang na maging madali sa kanila ang mag-usap at hanapan agad ng solusyon ang pangyayari na sa pananaw ng marami ay maaaring maging mitsa ng karahasan sa karagatan sa kanlupan ng Pilipinas.

Hindi sapat ang isinatinig na kondemnasyon ng Department of Foreign Affairs ng Pilipinas kaugnay ng pambobomba ng tubig ng mga sundalong Ssino sa dalawang barko ng Philippine military na hindi naman layuning makipag-digma sa mga Chinese contingent sa West Philippine Sea, dagdag pa ng mga netizens.

Ang karahasang ipinakita ng mga sundalong Tsino sa militar ng Pilipinas ay lantarang paglapastangan sa karangalan bilang kapantay na bansa ng China, lalo at ang layunin lamang naman ng mga barko ng Pilipinas ay maghatid ng pagkain at iba pang batayang pangangailangan ng ating mga sundalo.

 Maituturing ang ginawa ng Chinese coastguard bilang isang “act of war”, na ang pinaka-pinuno ng Pilipinas ang dapat magpapakita ng pagtugon, sa kahit anupamang paraan.



 -ooo-

AGAD NA PAKIKIPAG-UGNAYAN KAY CHINESE PRESIDENT XI JIN PING, DAPAT GAWIN NG PANGULO, AYON SA MARAMING PILIPINO: Sa palatuntunang 21 Minutos Mas o Menos noong umaga ng Huwebes, ika 18 ng Nobyembre 2021, nagkasundo ang mga hosts doon sa pagsasabing nakahanda ang maraming mga Pilipino na ipagtanggol ang kalayaan at karangalan ng bansa.

Kailangang makita ng mga Tsino na hindi duwag ang mga Pilipino, dagdag pa ng mga hosts. Tinalakay kanina sa 21 Minutos Mas o Menos, isang palatuntunang napapakinggan sa radyo at napapanood sa social media Lunes hanggang Biyernes, ganap na alas siyete y media ng umaga, oras at araw sa Pilipinas, na nakahanda ang mga Pilipino na  lumaban sa sinumang nais manakop ng kanilang bansa.

Sa mga nag-aaral ng kasaysayang Pilipino, nakita nila ang kahandaan ng mga Pilipino sa maraming panahon na lumaban sa mga dayuhan, kahit na mangahulugan ito ng kanilang kamatayan o kapinsalaan.

Dagdag naman ng iba pang netizens, hindi din katanggap-tanggap na ang mga pinuno ng defense, military, at police establishment sa Pilipinas ay tila nananahimik sa isyu.

Itinatanong din ng marami kung bakit hindi agad iniulat ang ginawang pambobomba ng tubig ng mga Chinese coast guard ships sa mga barkong Pilipino na magdadala sana ng supplies sa mga sundalong Pilipino na naka-destino sa West Philippine Sea, na naganap dalawang araw na ang nakakaraan.

Madaling-araw na lamang ng Huwebes, Nobyembre 18, 2021, naglabasan sa online media ang mga pangyayari, at ang Department of Foreign Affairs pa ang nag-ulat tungkol dito.

 -ooo-

PANANAHIMIK NG DEFENSE AT MILITARY ESTABLISHMENTS SA PILIPINAS SA WATER BOMBING SA SOUTH CHINA SEA, BINABATIKOS: Sa mata ng mga netizens, tila may layunin ding huwag maabot ng media si Department of National Defense Secretary Delfin Lorenzana tungkol sa isyung ito, dahil halos sabay na naiulat ngayong araw na ito na nag-positive na naman si Lorenzana sa Covid 19 sa ikalawang pagkakataon. 

 Ang tanong ng marami: totoo bang naka-quarantine si Lorenzana dahil sa Covid, o siya ay nagtatago lamang upang huwag siyang makapagpahayag sa Chinese coast guard bombing?

Samantala, iisa lamang ang nakikitang remedyo sa mga sigalot na ito ng bansa sa China ng mga hosts ng 21 Minutos Mas o Menos na sina Davao Methodist Bishop Rudy Juan, Pastor Jojo Gonzales, Bible scholar Rod Cornejo, at ng inyong lingkod, si Atty. Batas Mauricio.

Ito ay ang puspusang paglapit ng sambayanan sa Diyos, sa pamamagitan ng pagbabasa at pagsunod sa kaniyang mga Salita sa Bibliya, at, pagkatapos, totohanang panalangin sa lahat ng sandali, kasama ang pamilya at iba pang mga kakilala.

Lumitaw sa talakayan noong umaga ng Huwebes na wala talagang mga politiko o iba pang mga Pilipino ang magbibigay sa bayan ng totohanang pagbabago na magdadala ng kapayapaan at kaunlaran.

Lahat ng mga pulitiko ngayon ay pang-sariling interest lamang nila ang kanilang isinusulong, kaya naman nagkakaluko-luko ang takbo ng buhay ng mga Pilipino, dagdag pa nila.

-ooo-

MANOOD, MAKINIG: Kakampi Mo Ang Batas,  www.facebook.com/attybataswww.facebook.com/radyopilipino, YouTube.com/kakampimoangbatas,  Radyo Pilipino stations nationwide, at mga affiliated radio stations ng Kiss FM network, Sunrise News network, PowerNews Broadcasting Network, 95.5. J FM network.