Advertisers
ANG quarantine facilities sa Maynila na mayroong 870 beds capacity ay zero patient na sa loob ng mga nakaraang araw. Gayunman, hindi ito ida-divert sa kung anuman hangga’t hindi natatapos ang holiday season, kung saan maaaring magkaroon ng hawahan dahil na rin maraming magaganap na pagtitipon.
Ito ang inanunsyo ni Manila Mayor Isko Moreno noong Sabado, kasabay ng papuri niya kay Vice Mayor Honey Lacuna, Manila Health Department sa ilalim ni Dr. Poks Pangan at ang vaccinating teams ng pamahalaang lungsod dahil sa matagumpay na pagsisimula ng pagbibigay ng booster shots para sa 2,5417 indibidwal na nabibilang sa A1 category o health frontliners.
Sinabi rin ni Moreno na walang COVID-related deaths ang naiulat noong Biyernes, November 19 kung saan 17 bagong impeksyon ang naitala.
Sinabi ng alkalde na nitong nakaraang dalawang buwan, ang lungsod ay nakapagtatala ng 200 cases kaya naman nagbabala ito na sa kabila ng pagbaba ng bilang ng mga kaso ay nanatili pa rin sa paligid ang coronavirus na nagdudulot ng pagkakahawahan na maaring ikamatay.
Ang occupancy rate ng six city-run hospitals, ayon kay Moreno ay nasa 17 percent habang ang Manila COVID-19 Field Hospital ay 15 percent lamang ang nakaokupa sa 344 beds capacity nito.
Sa kaso ng mga bakanteng quarantine, sinabi ni Moreno na siya at si Lacuna ay walang planong ipasara o hanapan ito ng ibang paggagamitan dahil may banta ng pagkakahawahan ng COVID-19 ang nalalapit na Kapaskuhan.
Ang total number ng mga indibidwal na nag-avail ng libreng swab testing ay umabot na sa 175,616 at ayon kay Moreno ay mananatili itong walang bayad hanggat kaya ng lungsod.
Ang nasabing gold standard ng testing ay mananatiling ipamimigay ng libre sa mga drive-thru centers at six city hospitals para sa kung anumang pangangailangan o kahit pa sa kapanatagan ng isip lamang, dagdag pa ng alkalde.
Samantala, sinabi ni Moreno na tuloy ang vaccination ng minors, gayundin ang pagbibigay ng booster jabs para sa mga health workers.
Ayon sa alkalde, may 3,022 minors na edad 12 -17 ang tumanggap ng first dose nitong Biyernes habang 181naman ang naturukan ng kanilang second dose.
“Sa mga magulang, mga nanay at tatay, pabakunahan natin ang ating mga anak habang me bakuna pa. Get vaccinated as soon as possible so they can be protected also. Kailangan din natin silang bigyan ng proteksyon dahil umiikot-ikot pa din ang COVID at maari itong kumalat muli. Ang importante ay protektado ang ating mga anak,” sabi ni Moreno.
Nitong weekend, sinabi ni Moreno na mula sa nakarehistrong 125,420 minors ay 71,188 na ang nabakunahan sa loob ng 2 linggong vaccination. (ANDI GARCIA)