Advertisers
MULING idiniin ni Senator Christopher “Bong” Go ang kanyang pagsuporta sa pagsisikap ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict na magtuloy-tuloy ang humanitarian at development projects sa mga conflict-affected area sa bansa.
Suportado rin ni Go ang panawagan na mabigyan ng sapat na pondo ang mabuting layuning ito.
Sinabi ng senador na ang mga proyektong naglalayong mawakasan ang kahirapan at ma-promote ang tuloy-tuloy na pag-unlad sa mga kanayunan ay mas maghihimok sa mga komunidad na lumahok sa counter-insurgency efforts ng pamahalaan.
Ayon kay Go, full support siya na i-restore ang budget ng NTF-ELCAC dahil nakaeengganyo ito halimbawa sa mga barangay na gustong umunlad ang lugar nila.
Kadalasan aniya sa mga conflict areas na napapasok ng mga komunista ay ‘yung mga barangay na hindi talaga maunlad, halos walang semento at walang proyekto.
Ngayon ani Go ay naeengganyo na tumulong ang mga barangay para sila ay umunlad.
“Insentibo ito para tumulong sila sa gobyerno at wala namang masama doon,” anang kandidato sa pagkapangulo.
Ang anti-insurgency task force ay una nang nilaanan ng P28.12 bilyon, humigit-kumulang P9 bilyon na mas mataas kaysa sa natanggap nito noong 2021, sa ilalim ng panukalang National Expenditure Program.
Ang panukalang badyet ay pinagtibay ng House of Representatives bago binawasan ng Senado sa P4 bilyon sa panahon ng deliberasyon nito.
Matagumpay na naipatupad ng NTF-ELCAC ang iba’t ibang proyekto ng pagtutulungan.
Sa ilalim ng Poverty Reduction, Livelihood and Employment Program nito, nakapagbigay ito sa 710 barangay ng skills training na may 1,576 interventions mula sa iba’t ibang ahensya, tulad ng Technical Education and Skills Development Authority, at 194 na barangay na may livelihood training na may 268 interventions.
Ang Infrastructure Development Program nito ay tumulong din sa pagtatayo ng kabuuang 25,245 na tulay at 99,070 kilometrong kalsada mula 2018 hanggang 2020
Bukod dito, ang Local Government Empowerment Program nito ay nakakuha ng kabuuang 1,715 local government units para tuligsain ang communist terrorist groups (CTG), 84% o 1,436 dito ang nag-apruba ng resolusyon na nagdedeklara sa CTG bilang personas non grata sa kani-kanilang lokalidad, noong Hulyo 2021.
Sa paggunita sa sarili niyang mga karanasan sa Davao city, binigyang-diin ng senador ang pangangailangan ng mga naturang programa, serbisyo at suporta ng gobyerno para matugunan ang ugat ng hidwaan at mabigyan ng pagkakataon ang mga dating rebelde na muling maisama sa lipunan.
Muli rin niyang pinagtibay ang kanyang pangako sa pagsuporta sa mga programa at proyekto na magpapaunlad ng klimang nakakatulong sa pagpapatupad ng mga aktibidad sa pagkakasundo at muling pagsasama.
“Personally, parati po kaming umaakyat ni Pangulong (Rodrigo) Duterte noon sa bundok, nakikipag-usap dahil kinukuha namin ‘yung mga bihag na mga sundalo at pulis. Nakakausap namin sila. Ako, ayaw kong nagpapatayan ang Pilipino ng kapwa sa Pilipino o sundalo against sa rebelde. Ayaw ko po,” ani Go.