Advertisers
KUNG mahalal na Pangulo sa 2022, ipinangako ng partido Aksyon Demokratiko na itutuloy ang war on drugs ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Inihayag ito ni Manila Mayor Francisko ‘Isko Moreno’ Domagoso at ni Dr. Willie Ong sa media matapos kapwa sila magnegatibo sa bawal na droga sa ginawang sa drug test sa opisina ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Quezon City.
Ayon kina Yorme Isko at Doc Ong, mabuting malaman ng taumbayan kung ang mga kandidato para pangulo at pangalawang pangulo ay malinis at mataas ang moral at kakayahan sa paglaban sa salot ng ilegal na droga.
Ang pagsalang sa drug test, ayon kay Yorme Isko ay isang maliit na paraan nila ni Doc Ong ng pagsuporta sa war on drugs ng ni Pangulong Duterte.
“Kung may awa ang Diyos, sa tulong ninyo, itutuloy natin yung war on drugs,” sabi ni Yorme Isko na kandidatong presidente ng Aksyon Demokratiko.
Sa chemistry report ng PDEA chemistry reports, negatibo sa cocaine, shabu, marijuana at ecstacy sina Yorme Isko at katiket na bise presidente na si Doc Ong.
Ipinaliwanag ni Isko na mahihirapan na sugpuin ang ilegal na droga kung mismong presidente ay gumagamit ng bawal na gamot.
“… mabigat na problema ng lipunan ay droga, then how can you go against those illegal substances when you youself is a user. You do not have moral ascendancy,” sabi ni Yorme Isko.
Tama lamang sa PDEA sila nagpasuri ni Doc Ong, sabi ni Yorme dahil ito ang ahensiya ng gobyerno na may siyentipikong paraan upang malaman kung hindi gumagamit ng ilegal na droga ang isang tao.
“…They (PDEA) have proper scientific ways of finding out whether a person is a user or not. Ito ang tama. Kung lumalaban tayo sa droga, … pangunahing agency ay ang PDEA,” paliwanag ni Yorme Isko.
Idinagdag ni Yorme Isko na sa kusang pagsasailalim sa drug test, ipinakita niya ang pagrespeto sa mamamayang Pilipino at siya bilang kandidato ay dapat na dumaan sa prosesong ipinatutupad sa karaniwang tao.
“Bakit ang ordinaryong tao, nire-require natin i-test kapag sila’y suspected? Bakit kapag kandidato sa Presidente at mayaman, di na pwede sa PDEA? Parang double standard tayo,” sabi ni Yorme Isko.