Advertisers
PINIRMAHAN na ni Manila Mayor Isko Moreno nitong Lunes ang P22.2 bilyong budget ng city government para sa susunod na taon.
Ayon kay Moreno, na siya ring standard bearer ng partidong Aksiyon Demokratiko, ang 53.86% ng naturang kabuuang pondo ay ilalaan para sa social services ng lokal na pamahalaan.
Aniya, nilakihan nila ang bahagi ng naturang pondo para sa mga mamamayan upang maramdaman ng taumbayan na may gobyerno sa Maynila na maaari nilang masandalan.
“Tao muna ang mauna sa Maynila sa 2022,” anang alkalde.
Paliwanag pa niya, “Nilakihan natin yung portion para makaramdam ang taong bayan sa Lungsod ng Maynila na may gobyerno sa Maynila, na may masasandalan silang gobyerno sa Maynila.”
Kasama ni Moreno sa naturang signing ceremony sina Manila Vice Mayor Honey Lacuna, City Budget Officer Atty. Grace Chua, Cong. Yul Servo-Nieto, at mga miyembro ng city council.
Nabatid na sa ilalim ng naturang pondo para sa social services, 16.69% ang inilaan para sa healthcare services, 10.72% para sa social amelioration program, 5.10% para sa food packs, at 3.81% para sa educational purposes.
“Gamot para i-survive yung tao, and facilities para may mapaglagakan at mapapanatag yung mga kamag-anak na ma-iimpeksyon ng COVID-19,” ayon pa sa alkalde.
“We will be more vigilant. We will continue to be efficient in expenditures and we will find ways as much as possible to give free and better healthcare for each and everyone not only for COVID-19 but for all other diseases,” dagdag pa niya.
Ipinagmalaki rin naman ni Moreno na sa kabila ng pandemya, ang budget allocation ng city government ay patuloy na nakakapagtala ng pagtaas.
Nabatid na noong 2020, nasa P17.8 bilyon ang budget allocation ng city government habang P20 bilyon naman noong 2021.
Pinasalamatan rin naman ng alkalde ang publiko dahil sa patuloy nilang pagtitiwala sa Manila City government at tiniyak na patuloy nilang paiigtingin ang kanilang pagsusumikap na balansehin ang buhay at kabuhayan ng mga mamamayan.
“The city of government is always certain with our direction – life and livelihood – yun ang direction natin sa 2022 at patuloy tayo maghahanda,” ayon pa sa alkalde. (ANDI GARCIA)