Advertisers

Advertisers

Atras na sa presidential race… BONG GO: HINDI AKO SANAY SA MADUMING PULITIKA

0 228

Advertisers

Inanunsyo ni Senator Bong Go kahapon ang pag-atras niya sa pagtakbong presidente sa May 2022 elections sa pagsasabing ayaw niyang bigyan pa ng problema si Pangulong Rodrigo Duterte at hindi umano siya sa madumi at mainit na klase ng puitika.

Sinabi ni Go na hindi siya pulitiko at hindi nanggaling sa malaki o kilalang pamilya kaya hindi rin siya sanay sa madumi at mainit na klase ng pulitika.

“Marahil po’y hanggang dito lang po muna ako sa ngayon,” ani Go.



Ginawa ni Go ang pahayag, isang linggo matapos niyang aminin na naghihintay pa siya ng senyales mula sa Panginoon kung itutuloy ang kanyang presidential bid.

Ipinaliwanag ni Go na maging ang kanyang pamilya ay tutol sa kanyang pagtakbong presidente at ayaw rin niyang malagay pa si President Duterte sa magulong sitwasyon.

“Ayoko rin pong lalong maipit si Pangulong Duterte. Higit pa po sa tatay ang pagmamahal ko sa kanya,” ayon sa senador.

Ani Go, nakahanda siyang magsakripisyo para sa kabuihan ng bansa at alang-alang na rin sa pagkakaisa.

“In the past few days, I realized that my heart and my mind are contradicting my actions. Talagang nagre-resist po ang aking katawan, puso, at isipan. Tao lang po ako, nasasaktan at napapagod din,” anang senador.



“Sa ngayon po, ‘yun ang mga rason ko. That is why I am withdrawing from the race,” idinagdag niya.

“Sa nagdaang mga araw, habang tumatagal at umiinit ang pulitika sa bansa, mas lalo akong napapaisip kung ano ang mas makakabuti sa taumbayan, pati na rin kay Pangulong Duterte at sa aking pamilya.”

“Lubos ang aking pasasalamat sa lahat ng supporters na walang tigil na nagtitiwala sa akin at kay Pangulong Duterte. Kaya gusto kong magpakatotoo sa inyong lahat at ayaw ko nang patagalin pa ang bigat ng nararamdaman ko,” sabi ni Go.

Sinabi ni Go na ang tangi lamang niyang hangarin ay makapagserbisyo sa kapwa Pilipino.

“Hindi na po kailangang itanong yan dahil talagang gusto ko, gusto kong makapagserbisyo sa kapwa Pilipino. Gusto kong tumulong na maging maginhawa po ang buhay ng bawat Pilipino at walang magutom,” ayon mambabatas.

Ani Go, isa lamang siyang simpleng probinsyano na binigyan ng pagkakataong magsilbi sa taumbayan.

Hindi rin niya inambisyon na maging presidente sa pagsasabing puro lamang siya serbisyo dahil ito ang kanyang bisyo.

“Kung saan man po ako dadalhin ng aking tadhana, makakaasa po kayo na patuloy po akong tutulong, patuloy po akong magseserbisyo at patuloy po akong magmamalasakit sa aking kapwa Pilipino dahil mahal ko ang mga kababayan ko. Mahal ko po ang bansang ito,” ayon kay Go.