Advertisers
MARAMI ang nagulat at marami rin ang natuwa sa ginawang pag-atras ni Senador Bong Go sa kanyang kandidatura sa pagka-pangulo nitong Martes ng umaga.
Na-shock ang kanyang supporters, mga DDS, na ilang linggo naring nag-iikot para sa kanyang kandidatura sapul nang palitan (substitution) niya si Sen. Bato Dela Rosa noong Nobyembre 13.
Tuwang-tuwa naman sa pagwidro ni Sen. Go ang supporters ni Bongbong Marcos (BBM), magsasanib puwersa na raw sila ng DDS (Duterte diehard supporters).
Last week pa nagparamdam si Go ng kanyang pag-atras nang sabihin niyang hinihintay niya ang “sign from God” kung itutuloy niya ang kanyang pagtakbo sa pagka-pangulo.
Sa isang ambush interview sa San Juan City, malungkot na sinabi ni Go na ang kanyang pamilya ay hindi pabor sa kanyang pagkasa sa presidential race. Sinabi rin niyang ayaw niyang ilagay si Pangulong Rody Duterte sa mahirap na sitwasyon: “Ayoko rin po lalong maipit si Pangulong Duterte. Higit pa po sa tatay ang pagmamahal ko sa kanya.”
Inulit ng Senador ang kanyang sinabi noon na nakahanda siyang “to make the supreme sacrifice for the good of our country and for the sake of unity” para sa kanilang supporters.
“In the past few days, I realized that my heart and my mind are contradicting my actions. Talagang nag-re-resist po ang aking katawan, puso, at isipan. Tao lang po ako, nasasaktan at napapagod din.”
“Sa ngayon po, ‘yun ang mga rason ko. That is why I am withdrawing from the race,” paliwanag ni Go na mag-tatlong taon palang sa kanyang termino bilang Senador.
Pero ngayon pa lamang makukumpirma kung atras na nga si Go sa presidential derby. Dahil walang opisina ang Comelec nitong Martes dahil sa holiday.
Kailangan ni Go na personal mag-submit ng withdrawal ng kanyang kandidatura sa poll body department ng Comelec para maging opisyal ang kanyang pag-atras sa laban sa ‘22 election.
Hindi rin maari magkaroon ng substitution dahil boluntaryo ang kanyang pag-atras, ayon kay Comelec spokesman James Jimenez.
Sa pag-atras ni Sen. Go sa presidential race, ang kanyang supporters ay maaring mapunta alin kina Marcos, Manny Pacquiao, Ping Lacson o Isko Moreno, pero hindi kay Leni Robredo.
Pero mostly ay kay Marcos sasanib ang mga tao ni Go dahil narin sa anak ni Pangulong Duterte na si Sara na siyang running mate ni BBM.
Dahil din sa pag-atras na ito ni Go, nawalan ng kandidato sa pagka-pangulo ang ruling party na PDP Laban. Tsk tsk tsk… Ano kayang pakiramdam ngayon ni Sec. Al Cusi at Atty. Melvin Matibag? Nagmula silang basang sisiw. Aray ko!!!
Sa tingin ko ang isa pang matinding rason sa pag-atras ni Go ay dahil sa nakikita niyang palakas nang palakas ang puwersa ni Leni Robredo. Kaya kailangan niyang sumanib nalang sa Marcos-Duterte tandem para pag-isahin na ang DDS at BBM. Mismo!
Oo! Kitang kita ngayon ang mabilis na pagkalat ng kulay-pink sa mga kalye.
Palakas nang palakas din ang puwersa nina Isko Moreno at Ping Lacson.
Ang tila hindi gumagalaw ay ang Pacquiao na kahit sa mga survey ay kulelat. Baka magwidro narin ito. Abangan!