Advertisers
NASUKLIAN ang katapatan ng isang janitor sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), na isinoli ang napulot na bag na naglalaman ng US$10,000 o mahigit kalahating milyong piso.
Unang nakita ni Jhun Telewik ang bag sa isang upuan sa Terminal 2 habang naghahakot ito ng basura noong November 27.
Ngunit pagbalik niya ay naroon parin ang bag kaya humingi siya ng tulong sa mga airline ground attendant para hanapin ang may-ari nito. Nang walang mag-claim, dinala niya ang bag sa Lost and Found Office.
Ayon sa Manila International Airport Authority, walang anumang ID o dokumento sa loob ng bag na magtuturo sa may-ari nito.
Kalaunan isang Pilipino ang nagpakilalang anak ng may-ari ng bag nitong Martes.
Bilang pasasalamat niya kay Telewik, binigyan niya ito ng reward na US$100 o mahigit P5,000.
Samantala, hinangaan din ang katapatang ipinakita ng isang janitor ng isang mall sa Tuguegarao City nang isoli nito ang P40,000 cash na napulot habang naglilinis ng hallways.
Kinilala ang matapat na empleyado na si Rio Billiones, utility worker ng SM Downtown. Isinoli nito ang pera sa Customer Relations Service Office ng mall. Sa pamamagitan ng mga kuha ng CCTV ay nahanap ang may-ari ng pera.
Lumilitaw na nahulog mula kay Loreto Sammy Cabbuag, kapatid ni John Carlo Cabbuag na isang bicycle store owner, ang naturang pera.
Idedeposito sana umano ni Loreto ang pera na kinita ng tindahan ni John Carlo pero hindi niya namalayan nang malaglag ito.
Pinasalamatan at pinuri ng magkapatid na Cabbuag at ng management ng mall ang katapatang ipinakita ni Biliones.
Binigyan ng pagkilala at insentibo ng management si Billiones dahil sa katapatan nito kahit isang ordinaryong empleyado lamang.