Advertisers
UMAPELA si ACT-CIS Partylist Rep. Niña Taduran sa Commission on Elections (COMELEC) na ipagbawal na ang pamimigay ng ayuda, groceries, pera at iba pa ng mga politikong tatakbo sa halalan.
Pabor si Taduran sa suhestyon na amyendahan ang Omnibus Election Code kung saan kapag nakapaghain na ng Certificate of Candidacy (COC) ang isang kandidato ay dapat ipagbawal na ang pamamahagi ng tulong o ayuda sa mga botante.
Bagama’t ang pamimigay ng ayuda ay hindi pa maituturing ngayon na pagbili ng boto dahil hindi pa election campaign season, kung ang kongresista ang tatanungin ito ay maituturing na “indirectly vote buying”.
Para pa sa mambabatas, anuman ang ibibigay na may “value” o halaga ay isang pagbili ng boto.
Mas mainam aniya na idaan sa debate ng mga kandidato ang kanilang qualifications upang makapamili ang mga botante ng nararapat para sa isang posisyon.
PAGPAPATIBAY SA ‘MEDIA WORKERS, WELFARE ACT’, INAPELA NI TADURAN
Samantala hinihimok ni ACT-CIS Partylist Rep. Niña Taduran ang mga media practitioners na ipanawagan sa Senado ang mabilis na pag-aapruba sa Media Workers’ Welfare Act.
Ang House Bill 8140 ay nakalusot na sa Kamara sa ikatlo at huling pagbasa habang sa Senado ay natalakay na ito sa Technical Working Group (TWG) at iaakyat pa lang sa ikalawang pagbasa.
Umaapela na mismo si Taduran sa media upang mapabilis ang pag-usad nito sa Senado.
Sa ilalim ng Media Workers’ Bill ay tinitiyak ang security of tenure, tamang pasahod, pagkakaroon ng hazard pay at social benefits.
Umaasa ang kongresista na bago maging abala sa kampanya sa halalan sa Pebrero ang mga mambabatas ay napagtibay at napirmahan na ng pangulo ang panukala.
Subaybayan natin!
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon mag-email lang sa balyador69@gmail.com.
Ugaliing makinig sa programang “BALYADOR” at “WALANG PERSONALAN TRABAHO LANG” mula lunes hanggang linggo 11:00am-12:00noon sa RADYO NG MASA entertainment net radio. tuwing sabado at linggo 12:00nn-12:30pm sa DWBL 1242 kHz am band, tuwing martes 9:30am RADYO NATIN 105.3 FM Pinamalayan at 10:00am RADYO NATIN 102.9 FM Victoria, tuwing huwebes 9:00-10:00am sa 96.9 FM RADYO NATIN Calapan City. Mapapanood livestreaming at Youtube live!