Advertisers
LIBO-LIBONG supporter at volunteer ng Team Isko Moreno ang natuwa sa pagsali sa unang “ISKOmustahan Digital Blue Wave Caravan” na ginawa kamakailan sa inilunsad na campaign website tayosiisko.com.
Sa unang pagkakataon, nakausap ng mga kabataan sina Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso at katiket na kandidatong bise presidente Doc Willie Ong gamit ang internet connection sa Zoom.
Gamit ang Zoom, pinasalamatan nina Moreno at Ong ang libo-libong kabataang volunteer sa suporta nila sa kanilang kandidatura sa halalan sa Mayo 2022.
“Maraming salamat lagi sa inyong paghahanda, mga ginagawa simultaneously sa buong Pilipinas. Tuloy-tuloy lang tayo. Lagi tayong diretso sa tao,” sabi ni Yorme Isko.
Binanggit ni Isko ang sakripisyo ng mga kabataang volunteer na ginagastos ang sariling pera upang tumulong sa nalalapit na eleksiyon sa susunod na taon.
“Alam ko, most of you, kayo ang gumagastos. Pera ninyo, pinag-ipunan ninyo, pinaghirapan ninyo, ginagastos niyo sa amin. Oras ninyo, ginagastos ninyo sa amin. Effort ninyo yan. Someday, the only thing that I can do in return ay di ko kayo ipapahiya,” sabi ng alkalde.
Sa pamamagitan ng modernong gamit elektroniko, ipinakilala ni Yorme Isko sina Doc Willie Ong at mga kandidato ng Aksyon Demokratikona sina women’s rights advocate Samira Gutoc, dating Quezon City councilor Jopet Sison at entrepreneur Carl Balita.
Umaktong host sa Zoom virtual meet-and-greet na iniere sa opisyal na Facebook page ni Yorme Isko ay ang tinedyer na anak nito na si Joaquin Domagoso at tinedyer aktres na si Mikee Quintos, kapwa artista ng GMA-7.
“Sa lahat sa inyo diyan thank you for your time and effort, tosgas (gastos) na naman kayo sa bandwidth. But anyway, we are very happy you’re there and supporting Doc Willie and I, and our three senatorial candidates. Maraming-maraming salamat lagi sa inyong mga paghahanda, mga ginagawa simultaneously sa buong Pilipinas,” sabi ni Yorme Isko.
Pinaalalahanan ni Yorme ang kabataang volunteer na palakasin ang kanilang samahan at patuloy na labanan ang pagkakalat ng mali at pekeng balita sa social media.
Sa mga bashers na nagpapakalat ng intriga at paninirang puri, pinayuhan sila na agad na i-block at sa mga tao na suportado ang kanilang kandidatura, ipinayo ni Isko na hikayatin na sumigla at paliwanagan sa mga isyung pambayan.
“Ang lagi kung bilin dumeretso kayo sa tao. Always go back to the people, magparami tayo,” sabi ng alkalde.
Kung ang basher ay totoong tao, at mapagpapasensiyahan, hayaan lamang dahil ganyan ang demokrasya, at laging sikapin na maging mahinahon sa pagsagot sa social media.
“As long it’s a real person then try to reach out. Kaya sabi ko nga sa inyo, kayong mga volunteers when you do the comment, you share nang content namin ni Doc Willie, ng mga senador, try to reach out to the people,’ sabi ni Yorme Isko.
Nagpaalala rin si Doc Willie na ‘wag na lang pansinin ang masasakit na sinasabi ng mga basher, at mahalaga ay palakasin ang suporta sa mga kakampi at nang maipanalo ang eleksiyon sa susunod na taon.
“Ang bashing, pinakamasakit sa mga influencers. Dati wala akong bashers, 16 million followers hundred percent masaya. Nung na-meet ko si Isko ‘yan nangyari, 90 percent nagalit sa akin, grabe. Pero, kahit na ganon na nagalit sila alam ko naman eh, dahil ako eh tumatakbo tinitiis ko. Minumura ako, inaaway ako, walang problema. Kasi ang goal ko naman tulungan sila,” sabi ni Doc Willie.
Pinalakas naman ni Dr. Balita ang millenials na dapat gamit sa positibong paraan ang social media at gamitin sa pagbabago.
“Sa gitna ng ingay at gulo sa social media, manatili tayong positibong mga mamamayan na sama-sama para sa pagbabago at pag-unlad ng bayan,” sabi ni Balita.
Pinasalamatan ni Sison ang mga kabataan sa inuubos na panahon at sariling pera para matulungan na manalo si Yorme Isko.
Gayundin, pinuri ni Gutoc ang mga volunteer sa pagtitiyagang tulungan sila at ipinaalaala na mahalaga ang boto ng mga kabataan upang matamo ang tagumpay sa darating na halalan.