Advertisers
Sunod-sunod ang rescue operation ng mga awtoridad sa mga babaeng pumapasok sa prostitusyon.
Sa monitoring ng National Bureau of Investigation (NBI), umakyat ang online na pambubugaw nitong pandemya.
Sa gitna ng mahigpit at mahabang lockdown noong isang taon, 1,598 ang na-rescue, at 76 percent sa kanila ay hindi na menor de edad.
Aminado ang mga social worker na marami sa mga nare-rescue ay bumabalik sa parehong trabaho kahit sumailalim na sa counseling.
“Kadalasan, ang sinasabi nila, wala silang oras para mag-aral ulit. At mas mabilis yung pera na nakukuha nila sa dati nilang trabaho,” ani Cecilia Tacon, social worker sa Quezon City.
Isang sex worker si alyas “Rina,” isang UP graduate.
Mahigit 200,000 libo ang followers niya sa social media sa pagbebenta ng kanyang mga sex video. Pinili raw niya ang trabahong ito, at hindi niya nakikita ang sarili niya bilang biktima.
“I chose sex work because the civilian jobs didn’t pay as much. Ang cost of living is P50,000. Saan ka makakahanap ng ganong trabaho? Yung content creation or pornography provided a lifestyle that I wanted for myself,” ani Rina.
Kasapi siya ng grupong Philippine Sex Workers Collective.
Nanawagan sila na simulan nang talakayin na tanggapin ang sex work bilang lehitimong trabaho.
Makakatulong daw ito para magkaroon ng mga pamantayan, at hindi maabuso ang mga sex worker.
“Sana, kino-consult kami para yung protection na gusto mabigay sa victims, mabigay nila at the same time yung karapatan ng laborers na tulad namin, mabigay din nila,” paliwanag ni Rina.
Sang-ayon ang grupong Gabriela sa panawagang hindi ituring na kriminal ang mga sex worker.
Pero tutol sila sa pagtanggap ng sex work dahil hindi raw dapat tinatratong kasangkapan ang kababaihan, lalo na sa kinalalagyang kahirapan.
“Sa apat na dekada, wala kaming nakausap na babaeng nasa prostitution na kung may option na kung may maayos na trabaho, regular na sahod, hindi na sila papasok sa prostitusyon,” ani Gabriela secretary general Joms Salvador.
Ayon naman sa NBI, bukas sila na mapakinggan ang hinaing ng mga sex worker.
Mainam din daw na matukoy sa batas kung sino ang tinuturing na mga biktima.