Advertisers
SINA Kapuso actress Barbie Forteza, Kim Domingo, Max Collins, at Jean Garcia ang bibida sa Pamaskong line-up ng Wish Ko Lang na “Pasko ng Pag-asa: The Wish Ko Lang Christmas Specials.”
Tuwing Sabado nga, handog ng award-winning GMA Public Affairs show ang fresh episodes na nagbibigay pag-asa at inspirasyon sa viewers. Kamakailan lang ay ginawaran ang programa bilang “Best Public Service Program” sa 2021 Platinum Stallion Media Awards habang kinilala ang host nito na si Vicky Morales bilang “Best Public Service Show Host.”
Ngayong Sabado (December 4), pangungunahan ni Barbie ang episode na “Tatlong Katauhan ni Sunshine” na gaganap siya bilang isang babaeng may Dissociative Identity Disorder (DID). Mapapanood din sa episode sina Thea Tolentino, Arvic Tan, Regine Angeles, Carlos Agassi, at Chanel Latorre.
Sa kuwento, may sakit at bedridden si Lupe (Chanel). Sa kabila nito, hindi siya sinusukuan ng kanyang anak na si Sunshine (Barbie). Pero may DID si Sunshine at iba’t ibang pangyayari sa buhay niya ang magiging dahilan ng paglabas ng iba pa niyang personalidad na sina Loren at Romana.
Nang lumala ang kalusugan ni Lupe at na-coma siya, lumabas ang personalidad ni Loren. Agresibo at mapang-akit, lumalabas siya kapag nalulumbay si Sunshine. Makalipas ang ilang buwan, habang ang lahat ay naghahanda para sa Kapaskuhan, mas magbabago ang buhay ni Sunshine nang iuwi ng kanyang ama na si Enrico (Carlos) si Mildred (Regine) kasama ang kanyang anak na si Aika (Thea) at ipinaalam kay Sunshine na si Mildred ang magiging madrasta niya.
Aapihin nina Mildred at Aika si Sunshine. Madalas ay papanigan ni Enrico ang mag-ina. Lalong lumala ang mga pangyayari nang ang nobyo ni Aika na si Spencer (Arvic) ay napalapit kay Sunshine. Dahil sa mga nangyayari sa buhay niya, lumabas ang isa pang personalidad ni Sunshine, ang bayolenteng Romana.
Ayon kay Barbie, talagang pinaghandaan at pinag-aralan niyang mabuti ang karakter ni Sunshine.
“Thankfully, we had a chance to meet virtually with a psychiatrist, so we were able to discuss the proper execution of the characters [personalities] and the case of Sunshine,” paglalahad niya.
Dagdag pa ng 36th Fantasporto International Film Festival Best Actress: “In terms of characterization, I went straight to YouTube for research. I watched real people with DID. How they transition to another persona and their behavior. I also turned to some of my favorite powerful movie characters as pegs.”
Masaya rin daw si Barbie na naging bahagi siya ng Christmas line up ng Wish Ko Lang.
“This is my first Wish Ko Lang guesting so that alone is pretty special for me. Opening the December Specials of Wish Ko Lang really brings me joy and I just can’t wait for everyone to watch all the episodes,” pagtatapos nito.
Abangan din sa “Pasko ng Pag-asa: The Wish Ko Lang Christmas Specials” ang “Lihim ng Punerarya” na pagbibidahan ni Kim Domingo at mapapanood sa December 11; ang “The Affair” tampok si Jean Garcia at mapapanood sa December 18; at ang “Gayuma” sa December 25 kasama si Max Collins.
Huwag palampasin ang Christmas special episodes ng Wish Ko Lang tuwing Sabado, 4 p.m. sa GMA.