Advertisers
INSPIRASYON SA BUHAY: “… : “Ngunit ang Araw ng Panginoon ay darating tulad ng isang magnanakaw. Sa araw na iyon, ang kalangitan ay biglang mawawala kasabay ng isang malakas na ugong. Matutupok ang araw, buwan at mga bituin. Ang mundo at ang lahat ng mga bagay na naririto ay mawawala…” (2 Pedro 3:10-12, Ang Tanging Daan Bibliya).
-ooo-
ARAW, KINAKITAAN NG MATINDING PAGPAPASABOG NG KANIYANG ENERHIYA PAPUNTA SA MGA PLANETANG UMIIKOT SA KANIYA, KASAMA NA ANG DAIGDIG: Marami ang hindi nakapansin, o napansin man pero hindi naunawaan, na naging mas mahirap sa kanila ang paggamit ng kanilang mga cellular phones, at Internet connection, gaya ng iba’t ibang social media platorms, nitong nakaraang buwan ng Nobyembre at ngayong unang mga araw ng Disyembre, pero, tunay na ang mga sigalot na ito sa Internet at sa mga linya ng telepono ay nangyari.
Ang dahilan ng mga ito, ayon sa mga dalubhasa, ay ang pagkakaroon ng matitinding solar flares, o yung pagpapawala ng araw ng kaniyang enerhiya na ang katumbas ay libo-libong hydrogen bombs na sabay-sabay na pumutok, patungo sa mga kalapit nitong mga planeta, partikular ang daigdig natin.
Nasaksihan ng mundo ang bagsik ng pagpapaputok ng Estados Unidos ng mga mas maliliit sa hydrogen bombs na mga atomic bombs noong 1945 sa Nagasaki at Hiroshima, Japan, na naging dahilan ng kamatayan ng daan-libong mga Hapon at pagkawasak ng mga bayan ng Nagasaki at Hiroshima.
Ayon sa ulat ng US Space Weather Prediction Center at ng National Aeronautics and Space Administration, isang napakalakas na solar flare ang nakita mula sa araw noong mga huling araw ng Oktubre 2021.
Tinawag ng mga dalubhasa sa kalawakan ang nasabing solar flare bilang major solar flare na ang pangalan ay X1 class solar flare, na siyang pinakamalakas na pagsabog ng enerhiya mula sa araw.
Agad na nagdulot itong X1 class solar flare na ito ng pagkakaputol, bagamat panandalian lamang, ng serbisyo ng lahat ng uri ng komunikasyon at mga gamit na naka-depende sa Internet o sa air waves, sa maraming mga lugar na umaga, o tanghali, o hapon, na maliwanag pa ang sikat ng araw.
-ooo-
SOLAR FLARES, O YUNG PAGPAPASABOG NG ENERHIYA MULA SA ARAW, SINLAKAS NG BILYON-BILYONG HYDROGEN BOMBS NA SUSUNOG NG MGA PLANETA SA PALIGID NG ARAW: “It was a significant solar flare that supercharged Earth’s northern lights and potentially interfered with satellite-based communications,” dagdag din ng Solar Dynamics Observatory ng NASA.
Masusing binabantayan ng mga dalubhasa sa siyensiya sa Estados Unidos at sa iba pang mga bansa ang pagpapagsabog ng enerhiya ng araw sa maraming kadahilanan.
Ang isang mabigat na tinutukan nila ay ang epekto ng matinding pagsabog mula sa araw, sa katawan ng mga tao at mga hayop, na maaaring maging dahilan ng dehydration, o yung pagkatuyo ng tubig sa kanilang mga katawan na agarang magdudulot ng pinsala sa kalusugan, o puwede ding maging sanhi ng kamatayan dahil sa heat strokes.
Binabantayan din ang epekto nito sa mga kagubatan o sa mga lugar kung saan may mga puno at halaman na maaaring masunog ng biglaan, gaya ng mga bush at forest fires sa mga bansang tradisyunal na malalamig, gaya ng Estados Unidos, Australia, at sa iba pang nasa dulo ng Northern at Southern Hemispheres ng daigdig.
Maliban dito, interesado din ang maraming mga grupo na nag-aaral ng Bibliya, gaya ng Simbahang Anak Ng Diyos Kadugo Ni Kristo, o AND KNK, isang simbahang Kristiyano na itinatag sa Pilipinas.
Ayon sa mga grupong ito, maraming mga bahagi ng Bibliya kasi ang nagpapahayag ng isang pangyayaring tila kahalintulad ng pagsabog ng araw, daan upang makarating direkta sa daigdig ang mga apoy mula sa nasabing pagsabog ng araw.
-ooo-
BIBLIYA, MAY BABALA NA MASUSUNOG ANG DAIGDIG NATIN BUNGA NG MATINDING APOY: Partikular sa mga bahaging ito ng Bibliya ang Malakas 3:19 at 2 Pedro 3:10-12, kung saan parehong bumabanggit ang mga ito ng pagdating ng “Araw ng Panginoon” bagamat walang nakakaalam kung kailan ito eksaktong magaganap.
Sa dalawang bersikulong ito, sinasabing sa araw na iyon, masusunog ang langit, ang araw, ang buwan, ang mga bituwin at ang mga planetang nakapaligid o umiikot sa kanila, at maging ang daigdig na ito.
Sinasabi ng Bibliya na kasama sa mga masusunog ang mga tao na di nagpakatotoo kay Jesus, at ang kanilang pagkakasunog ay magaganap ng libong taon, kung saan hindi sila mamamatay.
Naririto po ang mga bersikulo ng Bibliya, sa kanilang kabuuang salin: sa Malakias 3:19 sa Lumang Tipan: “Darating ang araw na gaya ng isang nagbabagang hurno, tutupukin ang mga palalo at masasama gaya ng dayami at walang matitira sa kanila,” sabi ni Yahweh na makapangyarihan sa lahat.
Samantala, sa 2 Pedro 3:10-12 ng Bagong Tipan, ganito po ang sinasabi: “Ngunit ang Araw ng Panginoon ay darating tulad ng isang magnanakaw. Sa araw na iyon, ang kalangitan ay biglang mawawala kasabay ng isang malakas na ugong. Matutupok ang araw, buwan at mga bituin. Ang mundo at ang lahat ng mga bagay na naririto ay mawawala…”
Sa pahayag naman ni Jesus, ang ating Diyos at Tagapagligtas na Siyang Diyos Ama, Anak, at Espiritu Santo sa Mateo 24:21, ang araw na ito ay tinatawa na araw ng matinding kapighatian, dahil ang kapighatiang mararanasan sa araw na iyon ay hindi pa nararanasan noong nakaraang panahon, at hindi na mararanasan sa hinaharap.
-ooo-
MANOOD, MAKINIG: Kakampi Mo Ang Batas, www.facebook.com/attybatas, www.facebook.com/radyopilipino, YouTube.com/kakampimoangbatas, Radyo Pilipino stations nationwide, at mga affiliated radio stations ng Kiss FM network, Sunrise News network, PowerNews Broadcasting Network, 95.5. J FM network.