Advertisers
ANG kasalukuyang nagaganap na pandemya ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) ay masasabing hindi lamang sanhi ng isang krisis sa kalusugan sa publiko.
Aba’y maituturing din itong krisis sa ekonomiya.
Napilayan ang komersiyo at libu-libong manggagawa ang nawalan ng trabaho sa buong mundo.
Buhat nang umarangkada ang tugon ng gobyerno, ang ilang sektor ay may gitnang papel sa paghahatid ng agarang kinakailangang tulong at suporta sa mga negosyo, lokal na pamahalaan (local government units), ilang organisasyon, at pribadong sektor, kabilang ang Pitmaster Foundation.
Kahit na umaani ng pagbatikos mula sa ilang pulitiko na tila propaganda habang ang iba’y ‘fake news’ naman, tuloy-tuloy lang sa pagbibigay ng tulong at ayuda sa mga nangangailangan ang Pitmaster, isang sangay ng Lucky 8 Corp. na nabigyan ng Philippine Amusement and Gaming Corp. (PAGCOR) ng lisensya para sa operasyon ng online sabong o e-sabong.
Lingid sa kaalaman ng marami, araw-araw ay may pinapa-dialysis ang grupo nang libre sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas.
Sa panayam kay Pitmaster Foundation Director, Atty. Caroline Cruz, may ugnayan o kasunduan na sila sa mga ospital at dialysis centers sa lahat ng sulok ng bansa at walang binabayaran ang mga pasyente.
Naku, daan-daang dialysis patients na raw ang natulungan ng kanilang foundation at kasalukuyang tinutulungan pa rin.
Kung hindi ako nagkakamali, maliban sa libreng dialysis, namamahagi rin sila ng mga wheelchairs sa mga PWDs o persons with disability.
Sa katunayan, ayon kay Cruz, higit 1,000 wheelchairs na ang naipamahagi ng Pitmaster sa mga may kapansanan nating kababayan mula noong Enero ngayong taon.
Maraming lokal na pamahalaan na rin ang nabigyan nila ng libreng ambulansiya para sa kanilang COVID-19 response.
Noong 2020 naman, sa kasagsagan ng mas mahigpit na lockdown sa bansa, libu-libong food packs ang naipamahagi ng grupo.
Hindi nga raw maunawaan ni Cruz kung bakit nagagalit ang ilang pulitiko sa kanila, gayung nakakatulong naman sila sa mga mahihirap nating kababayan.
Kung matatandaan, mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang nagpahayag na malaki ang ambag ng e-sabong sa ginagawang pagtugon ng pamahalaan sa pandemya.
Tandaan natin na nakakalikom din ang PAGCOR ng daan-daang milyong pisong pondo buwan-buwan mula sa mga lisensiyadong online sabong firms sa ating bansa.
Kaya naman, dapat natin silang pasalamatan, kasama ang Pitmaster, sa patuloy nitong suporta sa adhikain ng administrasyong Duterte na maging COVID-free ang buong kapuluan.
Napakahalaga ng bawat tulong na ibinibigay nila lalo na’t hindi pa rin tapos ang ating laban sa coronavirus dulot na rin ng mga naglutangang bagong variant tulad ng Omicron.
Sa ngayon, abot-kamay na natin ang pangarap na pagbangon mula sa pandemya.
* * *
PARA naman sa inyong mga sumbong, reaksyon, suhestiyon, atbp., maaari n’yo po akong i-email sa gil.playwright@gmail.com o kaya’y i-private message sa aking Facebook, Twitter, Instagram, at FB accounts. Paki-subscribe na rin po ang aking Youtube channel at Tiktok page na ‘Gilbert Perdez’. Maraming salamat at stay safe!