Advertisers
TULOY ang pagsadsad ng bigating Basilan BRT.
Kontra sa home squad Pagadian, diskaril muli ang Basilan BRT sa 65-77 kabiguan sa pagpapatuloy ng elimination round ng Chooks-to-Go Pilipinas VisMin Super Cup Mindanao Challenge nitong Linggo ng gabi sa Pagadian City Gymnasium sa Zamboanga Del Sur.
Sumambulat ang Explorers sa third period sa naiskor na 20 puntos, habang nalimitahan ang Peace Riders sa 10 puntos para maitarak ang 56-42 bentahe tungo sa final 12 minuto ng laro.
Nagsikap makabangon ng Basilan, Mindanao leg champion sa inaugural season, sa naibabang 16-0 run paramakadikit sa 63-66 may 3:01 ang nalalabi.
Sa krusyal na sandali, handa sina Judel Fuentes at Charles Pepito para maisalba ang Explorers tungo sa ikalimang panalo sa 10 laro. Bagsak ang Basilan sa ika-anim na sunod na kabiguan matapos ang impresibong 3-0 simula.
“Simula noong matalo kami sa Zamboanga Sibugay, isa lang lagi ang reminder namin sa kanila,” pahayag ni Pagadian head coach Gherome Ejercito. “Start strong, finish strong.”
Nanguna si Fuentes sa Pagadian na may 21 puntos, 10 rebounds, tatlong assists, at tatlong steals, habang tumipa si Edzel Mag-isa ng 17 puntos at kumana si Pepito ng 10 puntos at 10 rebounds.
Kumubra si Jorem Morada sa Basilan na may 14 puntos.
Sa ikalawang laro, nalusutan ng Zamboanga Sibugay, sa pangunguna ni Shaq Imperial ang Roxas sa overtime, 91-89.
Naipuwersa ng Roxas ang extra period sa 14-4 run sa final period, 83-all.
Sa overtime, dikitan ang laban, ngunit nangibabaw ang tikas ni Imperial para maibigay sa Sibugay ang panalo.(Danny Simon)