Advertisers
SA kanyang fans na mga nagtatanong kung kandidato pa ba sa pagka-pangulo si Senador Bong Go, YES! Kandidato pa ang idol ninyo. Hindi pa siya opisyal na nagwiwidro sa Commission on Election (ComElec).
Bagama’t inanunsyo ni Go ang kanyang pag-atras sa presidential derby noong Bonifacio Day, Nobyembre 30, hindi naman siya nagsadya sa poll body ng ComElec para mag-file ng withdrawal ng kanyang kandidatura.
Para opisyal na kilalanin ang pagwidro ng isang kandidato, kailangan niya personal na pumunta sa ComElec para magsumite ng kanyang withdrawal, sabi ng Spokesman nito na si James Jimenez.
Sinabi naman ni Go na “relaks lang”. Hindi na, aniya, kailangan pang magmadali sa pagpunta sa ComElec para magsumite ng withdrawal ng kanyang kandidatura dahil hanggang Mayo 9, 2022 pa naman daw ang deadline ng pagwidro ng isang kandidato. Oo nga. Hehehe… Ang Mayo 9 ay araw ng election.
Tama lang na hindi muna opisyal na magsumite ng kanyang withdrawal of candidacy si Go dahil delikadong makansela o ma-disqualify ang kandidatura ni Bongbong Marcos dahil sa pagkakakalkal sa kaso nito na hindi pagbabayad ng tax ng ilang taon kungsaan ay convicted siya ng Quezon City Regional Trial Court noong 1995 at pinagtibay pa ng Court of Appeals noong 1997. Nabuking din ang hindi niya pagbabayad hanggang ngayon ng multa, base sa sertipiskasyong inilabas ng Quezon City RTC Branch 105 kamakailan.
Ang conviction na ito ni BBM, ayon kay retired Supreme Sr. Associate Justice Antonio Carpio, ay malinaw na ground para hindi payagan sa pagtakbo sa anumang posisyon sa politika ang anak ng diktador.
Kasalukuyan pang hinihimay ng law department ng ComElec ang kasong ito.
Ayon kay Spox Jimenez, posible bago magsimula ang kampanya sa Pebrero ay mailalabas na ng pool body ang resolusyon sa petition for cancellation laban sa kanditura ng batang Marcos.
Sakaling malasin si BBM sa kaso niyang ito, ang maari lamang pumalit sa kanya ay ang kanyang kaanak, posible si Senador Imee Marcos.
Pero sa puntong ito ay malamang na lumakas ang kandidatura ni Bong Go na tuluy tuloy parin ang pag-iikot kahit inanunsyo na niya ang pag-atras sa kanyang kandidatura.
Si Pangulong Rody Duterte ang nagsusulong kay Bong Go para ito ang magmana sa iiwanan niyang trono sa Hun-yo 30, 2022. Mismo!
***
Kinasahan na pala sa darating na eleksyon ang mga anak ni Pangulong Duterte sa Davao City.
Si Sebastian “Baste” Duterte, ang pumalit sa kanyang ate na si Mayor Sara na kumandidatong Vice President, ay nilabanan ng dating kaalyado ng kanyang ama na si Atty. Lopez, anak rin ng dating mayor ng lungsod na tumulong kay Digong para manalo sa unang pagtakbo nito sa politika.
Nilabanan naman ng isang babae, isang peace advocate, si reelectionist Paolo Duterte sa 3rd district ng lungsod.
Ito ang unang pagkakataon pagkaraan ng halos 3 dekada na nagkaroon ng kalaban ang Duterte sa Davao City.
Masusukat sa Mayo 9, 2022 kung may asim pa ang pamilyang ito sa pagtatapos ng termino ng matanda bilang pangulo ng bansa.