Advertisers
NALAMBAT ng Quezon City Police District (QCPD) ang 15 tulak ng shabu sa magkakahiwalay na buy-bust operations at masamsam sa mga ito ang P1,074,400 halaga ng iligal na droga.
Sa operasyon ng Fairview Police Stations sa pamumuno ni Lt. Colonel Joewie Lucas, nadakip sina Enrique Zamora, 58 anyos, kasama sa listahan ng Regional Level Drug Personality; at Mhon Julio, 34, kapwa residente ng Tendido St., Brgy. San Jose, Quezon City.
Nakumpiska sa kanila ang mahigit kumulang sa 100 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P680,000, Rusi motorcycle, cellular phone, at buy-bust money.
Lumitaw sa imbestigasyon na may nakabinbin pang warrant of arrest si Zamora sa kasong paglabag sa Section 261 ng Omnibus Election Code na inisyu ni Judge Francisco G Mendiola, ng Pasay Regional Trial Court (RTC) Branch 115.
Nadakma naman ng mga operatiba ng District Drug Enforcement Unit (DDEU) na pinamumunuan ni Major Wennie Ann Cale ang limang tulak na nakilalang sina Alex Pobletin, 28; Czandor Nickhol James, 21; Joseph Dela Cruz, 21, pawang residente ng Matias St., Brgy. Paltok, QC; Bryan Cruz, at Zheena Adane.
Nasamsam sa mga ito ang 38 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P258,400, cellular phones, at buy-bust money.
Naaresto naman ng Holy Spirit Police Station 14 under Lt. Col. Jeffrey Bilaro sina Jose Aldren Celoza, 43, Reymark Remoroza, 25, at Alvin Alcantara. Nakunan sila ng 9 sachets ng shabu na nagkakahalaga ng P68,000.
Nadakip naman ng Galas Police Station 11under Lt. Col. Von June Nuyda sina Dawn Calanno, 41; Marilou Lopez, 36; Patricia Dimacali, 24; Rominick Fugaban, 33, at Simoun Riel Aljibe, 29, na hulihan ng mahigit kumulang sa 10 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P68,000, Toyota Avanza, cellular phone, at buy-bust money.