Advertisers
KINASTIGO ni Senador Grace Poe ang Bureau of Internal Revenue (BIR) sa pagdinig ng Senado dahil sa hindi pagbibigay ng impormasyon kung nakakapagbayad ba o hindi ang mga franchise applicant ng kanilang responsibilidad sa ahensiya, lalo na ng kanilang buwis sa takdang oras.
Babala ni Poe, chairperson ng Senate public services panel, ang kawalan ng paghahanda ng BIR ay makakaapekto sa mga franchise application na sinusuri ng komite, partikular ang 16 telco applications, 12 broadcast franchise applications at franchise renewal ng Air Philippines Corp.
“Bago kami magbigay ng prangkisa sa isang kumpanya, tinitiyak naming wala silang pananagutan. E kung may utang sa inyo?” tanong ni Poe sa BIR.
“Ito ang pinakamahusay na paraan para makakolekta kayo sa kanila dahil nag-a-apply sila ng prangkisa,” dagdag ng mambabatas.
Pinadalo ng komite ang mga kinatawan ng Securities and Exchange Commission (SEC), National Telecommunications Commission (NTC), at BIR sa pagdinig para suriin ang performance ng mga aplikante at sabihan ang komite hinggil sa kanilang pagsunod sa regulasyon, gayundin sa kanilang mga paglabag.
Kapag may nakitang paglabag sa regulasyon ng SEC, NTC at iba pa, itetengga ang mga aplikasyon ng prangkisa hangga’t hindi ito nareresolba.
“Magpapahinga ang Senado sa susunod na linggo. Hangga’t maari, gusto sana naming tapusin ang aming committee report at sana madala na namin sa floor sa susunod na linggo,” ayon kay Poe.
Binigyang-diin ng panel chair na pinadalhan nila ng imbitasyon ang mga resource person tatlong linggo na ang nakaraan at kasama na rin doon ang listahan ng impormasyong kanilang hinihingi.
“Umaasa kaming seseryosohin ng BIR ang aming pagdinig,” ani Poe. “Inaasahan namin ang higit na partisipasyon at respeto mula sa BIR dahil ito ay aktuwal na pagdinig. Dapat nilang tulungan ang lehislatura dahil isa ito sa kanilang trabaho,” dagdag ni Poe.
Noong nagdaang taon, pinuna ni Poe ang BIR dahil sa pag-isnab ng mga opisyal nito sa pagdinig ng Financial Institutions Strategic Transfer Act na isinusulong din naman noon ng ehekutibo. (Mylene Alfonso)