Advertisers
TILA buhay na patotoo ang brodkaster na idol ng bayan na si senatorial aspirant Raffy Tulfo sa husay at pagiging matinong lider ni presidential candidate Senator Ping Lacson.
Dapat malaman ng mga kabataan itong naging kuwento ni idol Raffy kung paano niya nakita kung gaano katinong opisyal si Lacson, lalo noong naging hepe ito ng pulisya noong 1991 hanggang 2001.
Sa isang pagtitipon kamakailan sa mga tsuper at lider ng transport group at mga lokal na opisyal sa Tanza, Cavite, sinalaysay ni idol Raffy na nagsisimula pa lang siya sa kanyang public service career bilang brodkaster nang maglabas ng ultimatum si Lacson sa mga pulis na isauli ang lahat ng carnap vehicles na ginagamit nila.
Matapos daw ang ultimatum, napuno ng mga sasakyan ang Camp Crame. Doon umano nakita ni Raffy na mataas ang pagrespeto ng mga pulis kay Ping na ginagawa talaga ang kanyang sinasabi.
Bukod sa pagsasauli ng mga carnap na sasakyan, tumatak din kay idol Raffy ang “no kotong” at “no take” policy ni Ping na malaking pakinabang ng mga nasa transport group na mabiktima ng “buwaya” sa kalye.
Kaya nang alukin siya nina Lacson at vice presidential aspirant Tito Sotto, na maging kandidatong senador ng kanilang tambalan, hindi na nagdalawang-isip na pumayag agad ang frontrunner ngayon sa mga senatorial survey.
Galit sa korapsyon at mga abusado si Lacson, ano kaya ang mangyayari kapag siya ang nanalo sa May 2022 elections at naging presidente?