Advertisers
SINARAHAN ng Sarangani ang tuluyang pagkabalahaw matapos maungusan ang Muntinlupa, 75-66, sa pagpapatuloy ng 2021 Chooks-to-Go Maharlika Pilipinas Basketball League Invitational powered by TM group elimination sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Kumasa si Jordan Sta. Ana para maisalba ang kampanya ng Marlins sa naiskor na 18 puntos mula sa 8-of-13 shooting clip para sa unang panalo ng Sarangani matapos ang 0-2 simula.
“Masaya, sobra. Talagang gusto namin manalo siyempre yung inspiration ko kasi nung kinuha ako dito sa Sarangani is yung nangyari sa team ko last season,” pahayag ni Sarangani head coach John Kallos, patungkol sa kabiguan ng dati niyang koponan na Caloocan sa nakalipas na Lakan playoffs.
“Dinala ko lang yung culture na ‘di tayo nagpapatalo, tapos yung image ng Sarangani is pangit for the last season,” aniya matapos maitala ng Sarangani ang 1-29 marka sa nakalipas na Season. “Yun talaga yung inspiration namin, na ‘di ka naman manalo pero yung imahe na lumalaban ka.”
Malamya ang simula ng Marlins, ngunit nagawa nitong makaigpaw sa third quarter, sa pangunguna ni Gabby Espinas, para sa 13 puntos na bentahe, 58-45.
Magawang makadikit ng Muntinlupa sa anima na puntos sa fourth period, subalit sapat ang lakas at katatagan ng Sta. Ana para sa 65-56 kalamangan tungo sa panalo.
Nag-ambag si Marvin Lee ng 14 puntos, limang assists, apat na steals, at dalawang rebounds para sa Sarangani, habang kumana si Yvan Ludovice ng 12 puntos, limang rebounds, limang steals, at at apat na assists.
Nanguna si Chino Mosqueda sa Muntinlupa na may 12 puntos, anim na rebounds, at limang assists.
Sunod na makakaharap ng Sarangani ang Val City-MJAS Zenith sa Sabado ganap na 7:30 ng gabi, habang babawi ang Muntinlupa sa San Juan-Go for Gold AICC sa Biyernes ganap na 7:30 ng gabi.
Nitong Lunes, naisalpak ni Pao Javillonar ang game-winner para makalusot ang Caloocan Excellence laban sa Negros, 80-79.
Nakamit naman ng Makati-FSD ang unang panalo nang pabagsakin ang Marikina, 95-89; habang naisahan ng Val City-MJAS Zenith ang Muntinlupa, 76-72, para sa unang panalo sa Pool C ng torneo na sanctioned ng Games and Amusements Board (GAB). (Danny Simon)