Advertisers
NAANTALA ang inihandang selebrasyon ng Zamboanga Sibugay.
Kinansela ng league organizers ang nakatakdang Game 2 ng Chooks-to-Go Pilipinas VisMin Super Cup Mindanao Challenge best-of-three Championship nitong Huwebes ng gabi dulot ng malawakang brownout sa Zamboanga Del Sur dulot ng bagyong ‘Odette’.
Bunsod ng malakas na hangin matapos tumama sa kalupaan ng lalawigan ang naturang bagyo, naputol ang supply ng kuryente, kabilang na ang Pagadian City Gymnasium kung saan nakatakda ang Game 2 ng kampeonato sa pagitan ng Zamboanga Sibugay at BYB Kapatagan ganap na 6:40 ng gabi.
“Cancelled ang Game Two tonight because of Typhoon Odette nagka brownout dito sa gym and ‘yung generator ay gamit ng City Hall for evacuation,” pahayag ni league Chief Operating Officer Chelito Caro.
Kapwa sinang-ayunan ng BYB Kapatagan at Zamboanga Sibugay na ganapin ang laro sa Game Two, at kung sakali ang Game Three sa Biyernes.
Itinakda ang Game Two ganap na 10:00 ng umaga. Tangan ng Zamboanga Sibugay Anak Mindanao Warriors ang 1-0 bentahe. Kung makatabla ang Buffalos, gaganapin ang Game 3 ganap na 8:00 ng gabi.
Kailangan tapusin ang liga ng Biyernes dahil nakatakda na para bumalik sa kani-kanilang lalawigan ang mga kalahok umaga ng Sabado. (Danny Simon)