Isko at Honey umapela ng tulong sa Manilenyo para sa mga biktima ng bagyong ‘Odette’
Advertisers
NAG-REQUEST si Manila Mayor Isko Moreno kay Vice Mayor Honey Lacuna at sa 38-member ng Manila City Council na magpasa ng resolusyon na maglalaan ng pondo bilang pinansyal na tulong sa lahat ng mga labis na nasalanta ng bagyong ‘Odette.’
Dahil dito ay agad na nag-convene ang city council kung saan Presiding Officer si Lacuna. Ayon sa bise alkalde, siya at ang mga konsehal ay sanay na sa mabilisang pagsasagawa ng sessions sa Konseho dahil nagawa na nila ito lalo na kung ito ay bilang pagtugon sa pandemya at iba pang kalamidad.
Kapwa umapela ng tulong sina Moreno at Lacuna sa mga ‘Good Samaritans’ ng Maynila at sinabing ang tulong na maibibigay ay pupunta sa relief operations sa Cebu province at iba pang lugar sa Visayas at Mindanao.
Sinabi ni Moreno : “I have already asked the presiding officer of the City Council, Vice Mayor Honey Lacuna, to immediately hold a special session and a resolution be passed allocating a certain sum of money for the typhoon victims in the Visayas and Mindanao.”
Nakiusap din ang alkalde sa mga makakapagbigay ng tulong pinansyal na dalhin ito sa “Tulong ng Manilenyo sa mga Nasalanta ni Odette” isang fund-raising campaign kung saan ang mga pribadong indibidwal ay maaring magbigay ng kanilang donasyon para sa mga nasalanta ng bagyong ‘Odette’.
“Thankful as we are that Metro Manila and Luzon were spared by the Typhoon Odette, I now appeal to kind-hearted Manilenos to share whatever they can for our Visayan and Mindanao brothers severely affected by the typhoon,” sabi ni Moreno.
Nabatid na ang ang campaign chief ni Moreno na si Lito Banayo ay nakipag-usap na kay Cebu 3rd District Congressman Pablo John Garcia at sinabi nito ang plano ng alkalde ng Maynila na magtutungo sa Cebu City upang personal na pangunahan ang pagbibigay tulong ng Lungsod ng Maynila.
“I was told by Cong. PJ Garcia that they do not yet have a clear assessment of the damage from Odette since power and communication lines were down at the height of the typhoon. Hopefully, power will be restored and the Cebu airport becomes operational again by next week,” sabi ni Banayo.
Simula nang maluklok bilang alkalde ng Maynila si Moreno, ang pamahalaang lungsod ng Maynila ay palagian nang nagpapadala ng tulong sa pamamagitan ng manpower, relief goods o cash assistance sa anumang panig ng bansa na nasalanta ng kalamidad.
Sinabi ng alkalde na naniniwala siya na anumang tulong ang ibigay ng lungsod sa kalapit nitong lugar ay babalik din nang 10 ulit sa Maynila. Sinabi pa niya na tiyak na maraming kamay din ang tutulong sa kabisera ng bansa sakaling ito naman ang mangailangan. (ANDI GARCIA)