Advertisers
LIBU-LIBONG turista na ang nakakapasok sa Baguio City araw-araw dahil pumayag na si Mayor Benjamin Magalong na buksan ang turismo ng lungsod.
Tama ang desisyon ni Magalong dahil uusad nang mabilis ang ekonomiya ng Baguio.
Pihadong tuwang-tuwa ang mga negosyante sa pasya ni Magalong, kasama siyempreng natutuwa ang mga negosyante ng iligal na pasugalan sa lungsod tulad ng “mini-casino” at “drop-ball”.
Marami nang bumira noon sa mini-casino at drop-ball, kasama na ang kolumnistang ito, ngunit muling nagbalik ang putik ng lipunan.
Maraming nagsasabing tutol si Magalong sa iligal na gawain at negosyo tulad ng iligal na sugal dahil lubos ang paninindigan ng retiradong heneral ng Philippine National Police (PNP) na walang naidudulot na maganda ang iligal na sugal o iligal na palaro.
Ngunit, tila nagbago ang paninindigan ni Magalong nang maging alkalde ng lungsod.
Unang termino ni Magalong ang kanyang panalo noong eleksyong 2019.
Ipinarating kahapon ng importante ng BIGWAS! na bukas na bukas na ang mini-casino ng isang gambling lord sa Baguio na si alyas “Patrick”.
Pokaragat na ‘yan!
Ang mini-casino ni alyas Patrick sa Legarda Road ay malapiy lang sa city hall.
Hindi ba’t sa city ang opisina ng mga meyor?
Kaya, bakit pinayagang lantaran at garapalang mag-opereyt ang mini-casino ni alyas Patrick?
Pokaragat na ‘yan!
Malapit din daw ito sa himpilan ng pulisya.
Pokaragat na ‘yan talaga!
Hoy Ogie V., abot ba ng bangis mo ito?!
Tantya ng impormante, malaki ang kinikita ni alyas Patrick sa iligal na palaro dahil patok na patok ito sa mga turistang nakikita ang mini-casino.
Maliban sa mini-casino, naglipana rin ang drop-ball sa maraming kalsada o lugar sa Baguio.
Iligal po ang drop-ball dahil walang business permit ang sugal na ito.
Ang mga batikang “players” ng drop-ball ay sina alyas Nestor, alyas Eda, alyas Jimmy, alyas Toyoy, alyas Uldak at alyas Nilo.
Mayor Magalong, sa Kayang Street na mayroong PNP Outpost po garapalang nakapuwesto ang drop-ball ni alyas Nestor.
Pokaragat na ‘yan!, mayroong tanggapan ng PNP , ngunit mayroon ding iligal na sugal.
Sa Plaza naman ay kitang-kita ang padrop-ball ni alyas Toyoy.
Ang Otek Street na malapit sa city hall at himpilan ng PNP nakaposisyon ang drop-ball nina alyas Uldak at alyas Nilo.
Matatagpuan naman ang iligal na pasugal nina alyas Jimmy at alyas Edna sa Magsaysay Avenue.
Walang nagaganap ba kumpitensiya sa kanila dahil pare-pareho silang kumikita mula sa mga turista kahit hindi pa tuluyang nawala ang mga kaso ng coronavirus disease – 2019 Manong Ogie V.!