Advertisers
HINDI nalalayo sa estratehiya ng direct marketing ang network na itinatayo ng kampo ni BBM sa paghahanda sa kampanya sa halalang pampanguluhan sa 2022. May mga coordinator ang kampo ni BBM na ang pangunahing trabaho ay kumuha ng kakampi na nangangalap ng iba pang nagtatrabaho sa pagbuo ng network.
Nakalublob sa mga barangay ang mga coordinator ni BBM. May coordinator sa bawat barangay na ang trabaho ay mangalap ng mga sasama sa BBM for President Movement. Sa bawat sasama, pipirma siya ng application form ng I am for BBM Volunteer. Bibigyan siya ng coordinator mula P2,000 hanggang P3,000 na signing fee.
Ginagawa na ang ganitong pangangalap sa ilang barangay sa Parañaque City at Las Pinas City. Mayroon na rin sa Novaliches sa Quezon City. Kailangan mangalap ang bawat pumirma ng sasama pa at pipirma sa application form hanggang dumami ang mga “volunteer.” Hindi namin alam kung magkano ang bigayan sa ganitong gawi.
Hindi namin alam kung magkano ang ibinibigay sa bawat coordinator na kadalasan ay opisyal ng barangay na may maraming kakilala sa nasasakupan. Hindi namin alam kung magkano ang ibinigay sa isang volunteer na nakakakuha ng mga pipirma. Malaking halaga ang kailangan sa ganitong network sa buong bansa. May mahigit 92,000barangay sa buong bansa.
Walang malinaw na gawain ang mga volunteer maliban ay mag-abot ng polyeto sa kabarangay o mamahagi ng sample ballot kapag malapit ang halalan. Isang ang malinaw: Binibili ang kanilang boto. Batid nila ang kahinaan ng maraming botante. Marami ang walang hanapbuhay at malinaw na pagkikitaan lalo na ngayon sa panahon ng pandemya.
Tatlong network ang itatayo ng kampo ni BBM. Maliban sa network ng mga barangay, plano ng kampo ni BBM ang network ng mga opisyales ng pamahalaang lokal (local government units o LGUs). Network nila ang mga alkalde, bise alkalde, at konsehal ng mahigit sa 1,600 bayan at mahigit sa 100 siyudad sa buong Filipinas. Kasama ang mga gobernador, bise gobernador; at mga bokal sa mga lalawigan. Isama ang mga kongresista sa network na iyan.
Pangalawa ang network ng burukrasya, o ang mahigit sa dalawang milyon na mga lingkod bayan (public servants) na naglilingkod sa iba’t-ibang sangay ng pamahalaan. Kasama ang network ng mga taong nakauniporme tulad ng mahigit sa 200,000 pulis at 150,000 sundalo at auxiliary groups. Hinihingi ito ni BBM kay Rodrigo Duterte. Hindi namin alam kung may usapan na sa mga kampo ni Duterte at BBM.
Pangatlo ang network ng mga kapitan at kagawad ng mahigit sa 92,000 barangay sa buong bansa. Ngayon, gumagana na ang network ng barangay dahil diretso sila sa mga tao at mura lang ang bayad sa mga opisyales at kagawad. Inaasahan ang paglaki ng network dahil sa dami ng salapi ng mga Marcos. Dalawampung taon sa poder ang kanyang amang diktador at tinatayang mula $5 bilyon hanggang $10 bilyon ang ninakaw ng kanyang pamilya.
May balita na hindi ilunsad ang Volunteers for BBM Movement dahil sa mga petisyon kaso sa Comelec si BBM na humihingi na nadiskwalipika si BBM dahil hindi siya nagbayad ng buwis. Malamang sumigla ang kilusan kapag tuloy si BBM sa kanyang kandidatura. Abangan.
***
Hindi namin alam kung paano tatapatan ng kampo ni Leni Robredo ang networking campaign ni BBM. Walang ganoong kalaki pera ang kampo ni Leni pang bumuo nga sariling network. Tanging tiwala at paniniwala sa pagbabago ang bumibigkis sa kanyang mga taga-suporta. May tinawag silang “people’s campaign” bilang sagot sa panunuhol ni BBM sa mga botante.
Maliban sa mga motorcade caravan sa iba’t-ibang siyudad at lalawigan, hindi namin alam kung ano ang bumubuo ng konsepto ng “people’s campaign” bagaman malinaw na kukunin ni Leni ang kanyang lakas sa sambayanan. Ngayon, abala ang kampo ni Leni na ipaliwanag sa bayan ang pinaggagawa ng diktadurang Marcos noong sila ang nasa poder
***
ISINULAT ito ni Ma. Lourdes Sereno, Punong Mahistrado ng Korte Suprema:
Public record po iyan at may basehan. Simple lang po ang depensa niyo:
1. Public officials ang mag-asawang Ferdinand at Imelda Marcos. Ang galaw nila at benepisyo na natanggap ng mga anak nila dahil sa kapangyarihan nila nang mahabang panahon ay matters of public interest. Lalo na po na ang ilan sa kanila ay nag-aapply for public office. Karapatan ng taumbayan ang magtanong at ang mga pagtatanong at pag-uusap na iyan ay hindi maaaring sabihan na may malisya (iyan po ay ayon sa court rulings),
2. Hindi dapat maging balat-sibuyas ang mga public officials dahil may karapatan ang taumbayan malaman ang mga nangyayari o kinasasangkutan nila (legal principle din po iyan).
3. May basehan ang kongklusyon o opinyong nagnakaw si Ferdinand Marcos dahil sa mga pangungumpisal ng 13 cronies o kasabwat nila, na ang iba na nga ay nagsauli ng yaman. Ang testimonies ng mga cronies o opisyales na kasabwat ni Marcos ay nakaw o kotong ang ginawa ng dating pangulo. Halimbawa ng pangko-kotong na iyan ay ang 15% commission ni Marcos sa Japanese infrastructure fund, na naitestify ni ex-Secretary Baltazar Aquino.
4. May mga hatol na ng illegal o criminal character ng yaman nila beyond a certain magnitude. Ayon sa 2003 unanimous decision ng Supreme Court, beyond USD 304,000 plus, anything manifestly out of proportion ay ill-gotten wealth. Dinagdagan ito ng 2012 at 2017 decisions ng Korte Suprema na ganun din ang sinasabi.
5. Ang Swiss Federal Supreme Court ay nagsabing ang mga 5 Swiss accounts ng mag-asawang Marcos ay of criminal provenance.
6. Iginalang ng Singapore Supreme Court ang ruling ng Swiss Federal Supreme Court at Philippine Supreme Court kaya sinabi nilang ang Arelma account na nasa Singapore ay dapat isurrender hindi sa mga Marcos kundi sa Pilipinas.
7. Ang New Jersey court ay nagsabing ang real estate asset at cash sa New Jersey na sa mga Marcos daw ay hindi sa kanila kundi sa Filipino people.
8. Si Ferdinand Marcos, Jr. at ang dalawa niyang kapatid ang defendants sa several Marcos ill-gotten wealth decisions, kaya hindi pwedeng sabihing hindi maaaring isama ang pangalan ng dalawang magkapatid na public officials sa usapin ng ill-gotten wealth. Lehitimong tanong kung saan nanggaling ang hinahawakan nilang yaman ngayon. Harapin dapat nila ang mga tanong ng bayan. Relevant po ang tanong kung saan nakuha ni Marcos, Jr. ang nababalitang PhP 600 million na net assets niya. Kailangan po niyang ipakita kasi sabi sa Constitution “public office is a public trust” at “every public official must be accountable to the people at all times.” (Article XI, section 1).