Advertisers
INSPIRASYON SA BUHAY: “… Pinalayas ni Jesus ang demonyo at nakapagsalita agad ang pipi. Namangha ang mga tao at nasabi nila, `Kailanman ay wala pang nakitang katulad nito sa Israel!’…” (Mateo 9:33, Ang Tanging Daan Bibliya).
-ooo-
PATITINDIIN ANG KORAPSIYON SA GOBYERNO NG MGA KANDIDATO NA NAG-UUMPISA NG MANGAMPANYA KAHIT WALA PA ANG OFFICIAL CAMPAIGN PERIOD: Magbibigay-daan lalo sa korapsiyon ang alituntuning umiiral ngayon na nagsasabing hindi puwedeng pigilan kasi hindi paglabag sa batas ang tuwirang pangangampanya ng mga kandidato upang ipakilala ang kanilang mga pangalan at pabanguhin ang kanilang sarili sa pamamagitan kahit na sa hindi pa nag-uumpisa ang opisyal na campaign period.
Ito ang nagkakaisang pananaw ng mga hosts ng daily radio-online morning show na 21 Minutos Mas o Menos noong umaga ng Miyerkules, Disyembre 08, 2021, sa kanilang pagtalakay sa paksang “Pangangampanya bago ang election campaign, okay pala sa batas?”
Sinabi nina Davao Methodist Bishop Rudy Juan, Pastor Jojo Gonzales, Atty. Noy Macatangay, Rod Cornejo, at Atty. Batas Mauricio, na sa pangangampanya ng mga kandidato kahit wala pa ang opisyal na campaign period na ang batas ang nagtatakda, gagastos sila ng daang-milyong pisong pera.
Ang ganito kadaming pera, ayon sa mga hosts, ay pupuwede lamang manggagaling sa mga oligarko o mayayaman na tiyak na siyang kokontrol sa gobyerno kung mananalo ang kanilang ginastusang kandidato.
-ooo-
MGA KANDIDATONG GUMASTOS NG MALAKI PARA MANGAMPANYA, BABAWIIN ANG LAHAT NG KANILANG GINASTOS PAG SILA AY NAKAUPO NA: Ganoon din ang naging pananaw ni dating Chairman Greco Belgica ng Presidential Anti-Corruption Commission na ngayon ay kandidatong senador sa ilalim ng Pederalismo ng Dugong Dakilang Samahan, o PDDS, na kaniya namang pinamumunuan bilang PDDS president.
Sa panayam naman sa 18th Episode ng 1 Boto Ko TV noong umaga ng Miyerkules, Disyembre 08, 2021, sinabi ni Belgica na hindi ayon sa magandang asal at mabuting kaugalian ang pangangampanya ng mga kandidato bagamat hindi pa nag-uumpisa ang official campaign period, lalo na para sa Halalan 2022.
Sa pananaw ni Belgica, maliwanag na hindi magiging maayos ang pamumuno ng sinumang kandidatong hindi pa man naluluklok sa puwesto ay nagpapakita na ng kawalan ng interes sa kapakanan ng bayan.
Ayon kay Belgica, hindi niya nais na mailagay sa posisyon ng isang kandidatong gumagastos na para lamang mangampanya na, bago pa man ang opisyal na pag-uumpisa ng kampanya, kasi tiyak na mangungutang lamang ang kandidatong ito. Pagkatapos ng halalan, tiyak, uunahin ng kandidatong ito ang pagbabayad sa kaniyang utang, at korapsiyon ang kadalasang kalalagyan ng ganoong sitwasyon.
-ooo-
SC: LEGAL AT WALANG PAGBABAWAL SA PANGANGAMPANYA KAHIT WALA PA ANG CAMPAIGN PERIOD: Sa 21 Minutos Mas o Menos, naging batayan ng talakayan ang isinulat na desisyon ni dating Associate Justice Antonio Carpio, sa kasong may pamagat na “Penera vs. COMELEC”, na inilabas noong Korte Suprema noong 2009 pa.
Sa kaniyang pasya, binaligtad ni Carpio ang naunang pasya ng kaniyang mga kasamang mahistrado na nagbabawal sa anumang uri ng pagkilos ng mga kandidato sa pagpapakilala sa kanilang sarili, o pagpapabango ng kanilang pangalan, habang hindi pa nag-uumpisa ang official campaign period.
Sa pananaw ng mga kasama ni Carpio sa Kataas-taasang Hukuman, isang paglabag sa batas ng maituturing ang anumang pangangampanya ng isang kandidato sa mga panahong wala pang official campaign period, na puwedeng maging dahilan ng diskuwalipikasyon ng kandidato sa pagtakbo.
Pero, ayon kay Carpio sa kaniyang pasya na kinatigan din naman ng iba pang mahistrado, hindi labag sa Omnibus Election Code ang pangangampanya bago ang official campaign period, kaya’t hindi puwedeng ipagbawal ang pangangampanyang ito ng Korte Suprema.
-ooo-
MGA KANDIDATONG GUMASTOS NG P3.7 B SA PAGPAPAGUWAPO, HINDI MAGANDA ANG LAYUNIN SA BAYAN: Ayon sa mga hosts ng 21 Minutos Mas o Menos, higit na maganda ang katayuan ng naunang pasya ng Korte Suprema na nagsasabing labag sa batas sa mga halalan ang premature campaigning, o pangangampanya bago ang campaign period.
Pinipigilan kasi nito ang paggastos ng malaki ng mga kandidato, daan upang hindi na sila mangutang ng malaki, o di kaya ay kumuha ng mga financiers para sa kanilang kandidatura sa hanay ng mga mayayaman, o di kaya ay sa hanay ng mga mapera na ang yaman ay nagmula sa krimen o iba pang di-nais-nais na gawain sa pagkita ng limpak-limpak na salapi.
Pinuna ng mga hosts ang mga kandidatong naiulat noong nakaraang linggo na gumastos ng P3.7 bilyon para sa lamang sa pangangampanya sa pagitan ng Enero 2021- Setyembre 2021, sa pamamagitan ng radyo, telebisyon, at mga diyaryo.
Maliwanag na hindi maganda ang motibasyon ng mga kandidatong ito, dahil tiyak namang babawiin nila, sa anumang kaparaanan pag nanalo at naluklok na sila sa kapangyarihan pagkatapos ng eleksiyon.
-ooo-
MANOOD, MAKINIG: Kakampi Mo Ang Batas, www.facebook.com/attybatas, www.facebook.com/radyopilipino, YouTube.com/kakampimoangbatas, Radyo Pilipino stations nationwide, at mga affiliated radio stations ng Kiss FM network, Sunrise News network, PowerNews Broadcasting Network, 95.5. J FM network.