Advertisers
BUO ang tiwala, mula sa isang piso text message na mula sa makapangyarihang taumbayan, “kaya nating talunin ang bilyon (piso) at ginto nila,” madamdaming pakiusap ni Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso sa mga kamag-anak at kababayang katipon sa simple pero masayang reunion ng pamilya Domagoso-Sandoy noong Martes, Dis. 14.
Binisita ni Yorme Isko ang mga kamag-anak sa panig ng ama at ina sa Sitio Liit, Barangay Purok 1 sa bayan ng San Joaquin, Iloilo na bahagi ng ‘Listening Tour,” kasama si Doc Willie Ong, katiket na bise presidente at mga kandidatong senador Samira Gutoc, Dr. Carl Balita at Jopet Sison.
Sa San Joaquin isinilang ang amang si Joaquin na noong bata pa ay nagtungo sila sa Hamtic, Antique at noong 1960, nagtrabaho bilang estibador sa pier ng Maynila.
Sa pook ng mga iskwater sa Tondo, umibig at pinakasalan ni Joaquin si Rosario ‘Chayong’ Moreno ng Allen, Northern Samar at naging anak nila si Francisco Moreno Domagoso.
Mainit na tinanggap si Yorme Isko ng mahit sa 200 kaanak na Ilonggo, kabilang ang mga Sandoy na anak ng kapatid na babae ng kanyang ama na nanatili sa San Joaquin.
Madamdaming nakiusap si Isko sa mga kaanak na suportahan sa kanyang kandidatura para pangulo, lalo na at ang mga katunggali niya ay “mga anak ng pinagpala.”
Ayon sa kandidatong pangulo ng Aksyon Demokratiko, hindi sa ginto at bilyong yaman lamang maaaring maipanalo nila ang darating na eleksiyon sa Mayo 2022.
Nasa kapangyarihan ng tao ang lahat, sabi ni Yorme, “Kaya nating talunin ang mga ginto nila, mga bilyon nila, sa piso na galing sa tao.”
Susuklian niya, pangako ni Yorme Isko ang pagtitiwala sa kanya sa pagtatayo ng mga publikong ospital at eskuwelahan, disenteng trabaho at mapakikinabangang programa na magpapagaan sa buhay ng pamilyang Pilipino.
Kapag politiko ang gumastos, may singilin sila, sabi ni Yorme Isko, pero kung siya ang gagastusan ng mamamayang Pilipino, “may singilin kayo sa akin, at serbisyong matapat, masinop at episyente ang singilin n’yo sa akin.”
Sa harap ng mga kaanak, masayang sinabi ng alkalde ng Maynila na hindi na siya ulila tulad ng pakiramdam niya noong kabataan niya, lalo nang makatagpo ang mga kaanak sa Iloilo.
“Ngayon parang ang laki ng pamilya ko,” sabi niya na ipinagmamalaki na siya ay isang Domagoso na mula sa amang si Joaquin, natutunan niya ang maging parehas sa buhay at magpawis sa matinong paraan at bunga ng pagsisikap at pagtitiyaga, natamo ang mga pangarap sa buhay.
“Natutunan ko sa tatay ko, magtrabaho, magtrabaho, magtrabaho, maghananap ng tatrabahuin at pag nagka-trabaho, pagbutihan mo para mapansin ka,” sabi ni Yorme Isko.”
Tinuruan siya ng inang si Chayong ng disiplina, na konting kibot, kulata, palo ang inaabot niya.
“Ito ang ikakatangos n’yo dito sa San Joaquin. Kahit na mahirap ang tatay ko, hindi nagnakaw, hindi namerwisyo ng kapuwa,” aniya.
Naging disiplinado siya sa kanyang nanay para hindi siya mapariwara.
Hinikayat ni Isko na tularan ang nangyari sa kaniya at ‘wag mawalan ng pag-asa.
Parang nakikita ang hinaharap, sinabi ng 47-anyos na alkalde na sino ang makapagsasabi na posible na mula sa mahirap na angkan ng San Joaquin, “dito sa lupang kinatitirikan natin at dito sa lupang nakapaligid dito, mayroong pwedeng maging presidente ng bansa.”
Nagbigay ng pag-asa, sinabi ni Yorme Isko na ang nangyari sa kanya ay maaaring mangyari rin sa kanila.
“Kahit anak ng mahirap, basta nagsikap at nagpursige ang magulang, yung bata nagsikap, may mararating sa buhay.”