Advertisers
INSPIRASYON SA BUHAY: “… At mangyayaring kung iyong didingging masikap ang tinig ng Panginoon mong Diyos, upang isagawa ang lahat niyang utos na aking iniuutos sa iyo sa araw na ito, ay itataas ka ng Panginoon mong Diyos sa lahat ng mga bansa sa lupa, at ang lahat ng pagpapalang ito ay darating sa iyo at aabot sa iyo, kung iyong didinggin ang tinig ng Panginoon mong Diyos…” (Deuteronomio 28:1-2, Ang Tanging Daan Bibliya).
***
DI NA NATUTO ANG MGA PILIPINO SA PINSALA AT KAMATAYANG DULOT NG MGA BAGYO SA BANSA: Di na natuto ang mga Pilipino. Ito ang katotohanan sa ipinakita ng marami sa kanila matapos silang muling makaramdam ng matinding pagkagitla, pagkatakot, at pagkalito sa naglabasang mga videos at mga larawan ng maraming lugar sa Visayas at Mindanao habang hinahagupit sila ng bagong Odette.
Batay sa mga reaksiyong naglabasan sa social media, parang di nila inasahan ang malakas na pag-ulan, mataas na pagbaha, at pagbayo ng tila-buhawi sa lakas na hangin na isinalarawan ng mga videos at mga larawan sa mga diyaryo at telebisyon, at maging sa online news platforms.
Kakatwa ang mga reaksiyong ito ng pagkabigla, dahil kahit dito lamang sa Kakampi Mo Ang Batas, matagal na nating ipinapahayag na hindi na titigil at sa halip ay magpapatuloy pa ng taon-taon ang pananalasa ng ganitong mga kalamidad ng kalikasan at trahedya sa buhay at mga ari-arian ng ating mga kababayan sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas.
Dahil dito, muling lumutang ang mga isyu sa kawalan ng kahandaan, una ng pamahalaan at ng mga pamahalaang lokal at ng iba pang mga opisyal ng gobyerno, at pangalawa, ng ating mga kababayan mismo, sa ganitong mga pangyayari.
-ooo-
KAWALAN NG KAHANDAAN NG GOBYERNO, AT NG BUONG PILIPINAS, SA PAGTUGON SA MGA KALAMIDAD MULING LUMUTANG SA ODETTE: Sa halip na ang Malacanang at ang mga tanggapan nito ang unang kumilos, nakita ang iba pang mga opisyales na tumugon agad sa mga pangangailangan ng mga nasalanta.
Kung pagbabatayan ang social media reports, lilitaw na ang Bise Presidente Leni Robredo ang kauna-unahang nag-organisa ng isang command center upang maging sentrong daluyan ng mga ayuda o relief goods mula sa mga nagnanais tumulong sa anupamang kaparaanan.
Iniulat din ng tanggapan ni Robredo na kahapon pa ito nakikipag-ugnayan sa mga pinuno ng mga pamahalaang lokal sa mga apektadong lugar at inaalam ang pinsalang natamo ng ating mga kababayan, at kung ano ang kanilang mga paunang pangangailangan.
Sa panig naman ni Senador Manny Pacquiao, agad itong nanawagan sa gaya niyang mga kandidato sa panguluhan sa Halalan 2022 na isantabi muna ang bangayan sa pulitika at kumilos muna sila upang makatulong sa mga naapektuhang lubha ng Odette.
-ooo-
NAKAKAMATAY AT NAKAKAPINSALANG MGA BAGYO AT KALAMIDAD SA KALIKASAN, MAUULIT AT MAUULIT, MULI AT MULI, SA BANSA: Agad itong naghanda ng mga transport planes na gagamitin upang madaliang makapagpadala ng mga ayuda o iba pang reief goods sa mga tinamaang mga Pilipino. Sumagot din agad sa panawagan ni Pacquiao si Leni Robredo, na nagsabing katig siya sa panawagan ni Pacquiao.
Inanunsiyo ni Robredo na nakikipag-ugnayan na ang kaniyang tanggapan sa tanggapan ni Pacquiao upang maging maayos ang kanilang kooperasyon at koordinasyon.
Ayon sa kampo ni Pacquiao, ipagagamit ng senador ang mga transport planes na nauna ng inihahanda ng mambabatas sa paglilipat ng mga relief goods at iba pang donasyon patungo sa Visayas at Mindanao. Ang ibang mga presidentiables, sina Bongbong Marcos at Ping Lacson, ay wala pang reaksiyon.
Sa pananaw ng mga tagapayo ng Kakampi Mo Ang Batas, matagal na nilang ipinapayo sa pamahalaan ang pagsusulong ng isang ahensiyang tanging ang paghahanda at pagtugon sa mga bagyo, lindol, at iba pang kalamidad mula sa kalikasan, ang tututukan.
-ooo-
KMAB: ITATAG NA ANG DEPARTMENT OF CALAMITY RESILIENCE: Ang panukala ng Kakampi Mo Ang Batas noon pa ay ang pagkakaroon ng isang Department of Calamity Resiliency na ganito nga ang gagawin. Pamumunuan ito ng isang kalihim na may background hindi na lamang sa pagkasira ng kalikasan kundi sa administrative regulations and protocols.
Ganundin, kailangang siya ay may kaalaman sa mga nakasaad sa Bibliya tungkol sa babala sa pagdating ng ganitong mga nakakamatay at nakakapinsalang ulan, bagyo, at hangin.
Pangunahing isasaalang-alang sa bagong departamentong ito ang malalim ng pag-aaral sa sinasabi ng Bibliya na magiging dahilan ng malalakas na pag-ulan, matataas at mararahas na pagbaha, at pagragasa ng matitinding hangin.
Sinasabi kasi ng Bibliya, partikular sa Kaniyang Mateo 7:24-27, na ibinabala ni Jesus na tiyak ang pagdating ng mga kalamidad ng ulan, baha, at hangin, at ang pagdadala ng mga ito ng pagkawasak ng maraming tao.
Kailangang matutunan ng mga pinuno ng itatatag na Department of Calamity Resiliency ang sinasabi ni Jesus na dahilan kung bakit magaganap ang mga ulan, baha, at hangin naito.
Dapat ding pag-aralan ang remedyong sinasabi ni Jesus upang makaiwas o di kaya ay mapaglabanan ng mga tao ang kamatayan at pinsalang naka-amba buhat sa mga kalamidad ng kalikasan.
Marapat lamang na isama din sa pag-aaral sa paghahanap ng solusyon sa mga trahedyang ito ang pahayag ng Bibliya sa Deuteronomio 28:22-24 tungkol sa global warming and climate change. Ayon sa mga dalubhasa sa siyensiya, ang global warming and climate change ang dahilan ng mga mas mababagsik na ulan, baha, at hangin.
-ooo-
MANOOD, MAKINIG: Kakampi Mo Ang Batas, www.facebook.com/attybatas, www.facebook.com/radyopilipino, YouTube.com/kakampimoangbatas, Radyo Pilipino stations nationwide, at mga affiliated radio stations ng Kiss FM network, Sunrise News network, PowerNews Broadcasting Network, 95.5. J FM network.