Advertisers
SA limang kilalang kandidato sa pagka-mayor ng Maynila, ang anak ni late ex-Mayor Mel Lopez na si Atty. Alex Lopez ang napipisil ng mga Manilenyo para maging kapalit ni “Yorme Kois” na kumandidatong presidente ng Pilipinas para sa Mayo 2022 elections.
Sa ginagawa kong mga pagtatanong sa mga empleyado ng Manila City government, mas napupusuan nila ang batang Lopez na ubod kasi ng humble at napakadaling kausapin katulad ng kanyang yumaong ama.
Kahit sa Tondo, binubuo ng dalawang distrito na may pinakamalaking bilang ng mga botante sa buong Maynila, Lopez ang bukambibig ng nakararami lalo ng mga tigasin. Siguro dahil sa magandang pangalang iniwan ng mga matandang Lopez (Honorio, Jim at Mel) sa lugar.
Si Alex ay kapatid ni 1st district Congressman Manny Lopez at pinsang buo ng nagbabalik na 2nd District Congressman Carlo Lopez, anak ni late ex-Cong. Jim Lopez.
Maging sa District 3 at 4 ng Lungsod, Lopez ang binabanggit ng nakararami na gusto nilang ipalit kay Yorme Kois. Mabait daw kasi ito at down to earth makisama kahit sa mga tambay. Mismo!
Ako mismo ay nagpapatunay na itong si Atty. Alex Lopez ay THE BEST sa lahat ng Lopez na aking nakaututang dila.
Sa mga Manilenyong hindi pa nakakaalam, si Alex ay mister ng may-ari ng Lyceum University of the Philippines at Bayleaf Hotel sa loob ng Intramuros. May-ari rin siya ng gumagawa ng dekalibreng semento sa Batangas. Isa rin siyang developer.
Pero sa kabila ng karangyaan, hindi mo masasabing nakahiga sa salapi itong si Alex. Dahil napakasimple niya. Akalain mong tambay lang siya sa kanto kapag iyong nakakuwentuhan, walang kahangin-hangin sa katawan. Mas mayabang pa nga sa kanya si Yorme Kois kung umasta e. Hehehe…
Hindi lang sa District 1, 2, 3, at 4, pinag-uusapan ang bait at galing nitong si Atty. Alex Lopez, bet rin siya ng mga taga-District 5 at 6 na balwarte ng kanyang mga katunggali na sina Vice Mayor Honey Lacuna at Congressman Amado Bagatsing.
Sa husay na taglay ni Atty. Alex Lopez, sigurado ako na mapapaunlad pa niya ang Manila at mahihigitan pa ang mahusay na performance ni Yorme Kois. Mismo!
Ang iba pang kandidato sa pagka-alkalde sa Maynila ay sina retired Police General Elmer Jamias at anak ni late ex-Mayor Fred Lim na si Cristy Lim.
Kayo? Sino kina Lopez, Lacuna, Bagatsing, Jamias at Lim ang inyong gusto maging kapalit ni Yorme Kois sa 2022? Txt nyo nga ako, repapips!
Oo nga pala, ongoing ang ating pa-survey sa Maynila. Na ang katanungan ay: Sino sa mga kandidatong mayor sa Maynila tulad nina Lopez, Lacuna, Bagatsing, Jamias at Lim ang gusto nyong maging kapalit ni Yorme Isko sa Mayo 2022 at bakit?
Ang survey na ito ay inumpisahan natin nitong Disyembre 15 at matatapos sa Disyembre 30. Bale 2,000 katao ang ating tinatanong. Subaybayan!
***
Pinupuri natin si Vice President Leni Robredo sa kanyang maagap na pagtugon sa panawagan ng mga nasalanta ng bagyong Odette sa Visayas at Mindanao. Pati ang mga eryang mahirap abutin sa Siargao ay narating nitong Linggo ni VP Leni at namahagi ng ayuda. Saludo tayo sa opisyal na ito. Talagang FEMALE POWER ang 2022!