Advertisers
Binalaan ni Senator Christopher “Bong” Go ang mga nagho-hoarding ng gasolina at iba pang pangunahing produkto, partikular ng bigas, sa mga lugar na sinalanta ng bagyong “Odette” sa pagsasabing dapat itigil ng mga negosyanteng nasa likod nito ang pananamantala dahil malaki ang kanilang magiging pananagutan sa batas kapag sila ay nahuli ng mga awtoridad.
Pinayuhan din ng senador ang mga naging biktima ng bagyo na huwag mag-panic buying dahil nariyan naman ang mga tulong mula sa national at local government units upang maiwasan ang anomang tensyon, hindi inaasahang pangyayari at sakitan sa pila.
“Kaya nga po nananawagan kami na tulungan kaagad ng gobyerno ang mga kababayan natin para walang mag-hoarding, walang magte-take advantage sa situation. Naghihirap po ang ating mga kababayan, kita mo pumipila po para makabili lang ng gasolina, pumipila para makabili ng pagkain at tubig,” ani Go.
“Tulungan po natin sila. Huwag kayong mag-take advantage sa sitwasyon ngayon. Dapat tulungan natin ang ating kapwa Pilipino. Ito po ‘yung panahon na magtulungan po tayo,” idinagdag ng senador.
Samantala, muling umapela si Go sa mga kinauukulan na agad na ibalik sa mas mabilis na panahon ang mga kritikal o esensyal na serbisyo, kinabibilangan ng koryente at telekomunikasyon, sa mga lugar na winasak ng bagyong “Odette”.
“Ako po’y nananawagan sa national government, kahapon kausap ko si Sec. Cusi, tulungan po kaagad na mabalik ‘yung kuryente,” sabi ni Go sa ambush interview sa kanya matapos pangunahan ang distribusyon ng tulong sa mga residente ng Barangay Panacan sa Davao City nitong Lunes.
Nakipagkita at nakipagpulong sina Pangulong Duterte at Sen. Go sa local leaders ng Negros Occidental at kalapit na Negros Oriental, kasama ang ilang Cabinet members sa Kabankalan City para sa situation briefing sa aftermath ng bagyo.
Isa ang Negros Occidental sa mga probinsiya ng Western Visayas Region na lubhang naapektuhan ng bagyo. Umaabot sa 30 ang namatay sa nasabing lugar.
Bago ito, nagsagawa sina Go at ang Pangulo ng aerial inspections sa typhoon-hit areas sa Visayas at Mindanao nitong December 18 at 19.
Nakita nila ang winasak na Siargao Island bago nag-landing sa Surigao City. Matapos ma-survey ang damage sa airport, muli silang nagsagawa ng aerial inspection sa Dinagat Islands bago tumuloy sa Maasin City sa Southern Leyte. Nang sumunod na araw ay nagsagawa uli ng aerial at site inspections ang Pangulo at si Go sa apektadong lugar ng Cebu at Bohol.
Sa mga nasabing pagbisita, namahagi sina Duterte at Go ng tulong sa mga residente kasabay ng pag-aatas sa mga community leaders na ipagpatuloy ang recovery efforts at unhampered public service delivery.
Iniutusan din ng Pangulo ang mga concerned agencies na makipagkoordina sa key players mula sa private sector, partikular sa energy at telecommunication companies, na i-facilitate ang mabilis na pagbabalik ng essential services na sinira ng bagyo.
Inatasan din ng Chief Executive ang National Housing Authority na gawin ang lahat ng makakaya para muling mapatayuan ng bahay ang mga komunidad na winasak ng bagyo o kaya mabigyan ng housing materials ang iba para makagawa ng bago nilang matitirhan.
“Naglaan (din) po ng pondo si Pangulong Duterte sa calamity fund ng gobyerno at nagdagdag pa siya para tulungan kaagad, i-download kaagad sa mga LGUs. Sila po ang nakakaalam, ang mga LGUs sa mga nangangailangan ng tulong, sa nangangailangan ng pagkain, tubig,” sabi ni Go.
Nanawagan din si Go sa mga kandidato para sa 2022 elections na gamitin ang oportunidad na ito para tulungan ang mga nalugmok nating kababayan dulot ng bagyo.
“Sa mga presidential aspirants naman po, walang pulitika dito. Dapat tulung-tulong tayo para makabangon muli dahil nasa krisis pa tayo sa COVID-19. Ito na naman panibagong krisis dahil sa bagyo. Tulungan po natin ang ating kapwa Pilipino,” ang panawagan ni Go.
“I’m appealing to my fellow Filipinos, magtulungan po tayo. Kawawa po, lalung-lalo na po ‘’yung mahihirap. Maraming nananawagan halos hindi ko na po masagot sa dami po ng nananawagan po, tulungan po natin sila.”
“Kami po ni Pangulong Duterte ay tuluy-tuloy po ang aming pag-iikot at pagtutulong kaagad. Ma-address kaagad ang ganitong problema at makabalik po kaagad tayo. Return to normalcy kaagad ang gustong mangyari ni Pangulong Duterte,” ang pahabol ng senador.