Advertisers
INAASAHAN na ni Manila Mayor Isko Moreno ang pagdagsa ng mga lokal at dayuhang turista sa iconic clock tower ng City Hall, na itinuturing na bersiyon ng Pilipinas ng ‘Big Ben’ sa London, sa sandaling tuluyan nang matapos ang lahat ng renobasyon dito at kapag nabuksan na sa publiko ang view deck doon.
Ayon kay Moreno, isinagawa ang mga renobasyon sa makasaysayang clock tower bilang bahagi ng pagsisikap ng lokal na pamahalaang lungsod na gawin itong isa sa mga pangunahing atraksyon ng Maynila.
Labis na humanga si Moreno sa mga materyales na ginamit sa pagsasaayos ng viewing deck dahil ito ay makakaakit ng mas maraming turista, lokal man o dayuhan. Ang mga comfort room kung saan ay itinayo din sa clock tower para magamit ng mga bisita.
“Tama ‘yan. Di komo gobyerno eh nagtitipid kasi magiging tourist attraction ito sa mga foreigners,” pahayag pa ni Moreno nang inspeksiyunin ang clock tower kamakailan, kasama si Manila City Engineer Armand Andres gayundin ang iba pang opisyal at empleyado ng city hall.
Sinabi ng 47-anyos na presidential aspirant na maihahambing ang Manila City Hall clock tower sa Old Post Office at Clock Tower na matatagpuan sa Washington, D.C.
“Ang ganda ng view deck. May pinupuntahan ako sa Washington yung umang post office. Doon ‘yung idea na ito. Of all post offices siya lang ang mas mataas sa buong Washingtong D.C. Tapos sasakay ka ng elevator maliit lang tapos kita mo na ‘yung buong Washington. Eto parang ganito. Doon kinuha ang concept nito, doon sa Old Washington Post Office,” paliwanag pa niya.
Nabatid na marami pang improvements na gagawin sa clock tower, at isa sa mga habilin ni Moreno kay Andres at sa mga namamahala sa renovation work, na maglagay ng coffee shop kung saan maaaring makapag-relax ang mga bisita, at makipagkwentuhan sa kanilang mga kaibigan at mahal sa buhay.
Sinabi ni Moreno na kahit ang mga huwes, fiscal, abogado, at mga opisyal at empleyado ng city hall ay maaari ding dumaan sa lugar tuwing break time o kung hindi sila abala sa kanilang trabaho.
“Pwede silang mag meryenda ‘yung mga piskal, mga judges, mga empleyado, mga abogado. Pwede rin sila mag meeting doon,” aniya pa.
Inatasan din ng standard bearer ng Aksyon Demokratiko ang renovation team na maglagay ng information boards tungkol sa kasaysayan ng Maynila upang malaman din ng mga bisita ang napakayamang kasaysayan ng lungsod.
Maglalaan din ng puwang para sa mga pintor at iba pang artista upang ipakita ang kanilang mga gawa.
“Dapat dito ang history ng Maynila. Ang Battle of Manila, panahon ng mga Muslim, Kastila, Amerikano, Hapon tapos bagong maglalagay tayo. So kapag pupunta ang tao, mamamasyal sa view deck, kasi pasyalan na to,” anang alkalde.
Sinabi ni Moreno na dapat ding maglagay ng information board na nagsasabi tungkol sa kasaysayan ng tower clock para sa mas mahusay na pagpapahalaga sa lugar.
“Tapos dito dapat ‘yung history ng clock, ipalinis ninyo ito. Parang Regina Manila. ‘Yun ang original nyang pangalan. Tapos lagyan mo ng history. Tapos ‘yung para sa mga painters para meron silang display area,” ani Moreno.
“Tapos ‘yung mga turista i-package mo Manila Zoo. Tapos Jones Bridge, Lagusnilad, Kartilya (ng Katipunan), Mehan Garden, tapos ‘yung Intramuros. Pwede mong gawin ‘yun eh tourism group,” dagdadg pa niya.
Isang iconic na trademark ng Maynila at ng city hall nito, ang clock tower ay dinisenyo ni Antonio Toledo at pinasinayaan noong 1930s. Bilang pinakamalaking clock tower sa Pilipinas, ang hexagonal shaped tower ay may isang pulang-mukhang orasan na nakalagay sa tatlong facet nito.
Nakaharap sa silangan ng Intramuros, ang neoclassical na gusali ng city hall ay nakikilala sa pamamagitan ng isang kaakit-akit na clock tower na maganda ang liwanag sa gabi. Nawasak ito noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig at itinayong muli noong 1946.
Sa gabi, ang clock tower ay pinananatiling iluminado ng liwanag. Ang kampana ng orasan ay tumutunog ng tatlong beses bago sundan ng isang himig.
Tumutunog ang mga kampana na nasa loob ng tore bilang tanda ng break time ng mga empleyado ng Manila City Hall. Muling tumunog ang mga kampana sa pagsasara ng araw ng negosyo.
Sa panahon ng Pasko, ang clock tower ay nakaprograma upang tumugtog ng mga awiting Pasko na maririnig sa labas ng gusali ng Manila City Hall.
Bagama’t regular na minu-monitor para sa synchronization, may mga pagkakataon na ang tatlong orasan ng Manila City Hall clock tower ay magpapakita ng magkaibang oras. (ANDI GARCIA)