Advertisers
DAPAT na talaga alisin sa kalye ang mga dekada nang unit ng mass transport para maiwasan ang trahedya sa kalsada.
Tulad ng nangyari nitong Linggo ng hapon, Disyembre 26, isang mini bus ng Oster Liner na pag-aari ng RPS Cunanan sa Bataan ang umararo sa mga tao na nag-aabang ng sasakyan sa kahabaan ng Jose Abad Santos Avenue, bahagi ng Barangay San Isidro, Lubao, Pampanga.
Ayon sa mga nakasaksi, 14 ang nasawi kabilang ang mga bata at ilan pa ang nasa kritikal na kalagayan nang araruhin ng naturang bus na nawalan umano ng preno matapos mag-overtake sa kanan sa isang sasakyan.
Karamihan sa mga biktima na nasa labas ng waiting shed ay pami-pamilya, nag-aabang ng masasakyan para mamasyal sa SM San Fernando, sabi ng source na muntik rin mahagip ng bus habang nag-aabang ng masasakyan pa-puntang Maynila.
Ang bus ay wasak ang unahan nang bumangga ito sa poste ng kuryente matapos salpukin ang ilang tricycle na nasa inner lane. Patay lahat ng pasahero ng binanggang mga tricycle. Isa sa mga pasahero ay sanggol. Tsk tsk…
Ayon sa mga mekanikong nakiusyuso sa trahedya, luma na ang makina ng bus, body lang nito ang bago, at senior citizen pa ang driver (Olando Mallari).
Kapag ganito na raw kaluma ang makina ng sasakyan at pinatakbo pa ng matulin tapos biglang preno ay malamang hindi nito kakayanin ang bilis lalo’t overloaded ang bus.
Ayon sa isang pasahero na nakaligtas, punung puno ang bus. Overloaded! Marami sila na mga pasahero ang nakatayo.
Kung ganito ang sitwasyon, kabilang sa violations ng management ng bus line ay ang IATF protocol na dapat 50 percent lang ng kapasidad ng bus ang puwede isakay para magkaroon ng social distancing para maiwasan ang hawaan ng Covid-19.
Anyway, dapat tingnan uli ng maige ng LTFRB ang modelo ng mga mass transport, at higpitan ang pagpa-patupad ng drug test sa mga driver. Mismo!
Nakikiramay po tayo sa pamilya ng mga nasawi.
***
Labing-lima (15) presidentiables ang pasok sa unang pagsala sa listahan ng mga kandidato para sa 2022 local/national elections.
Sabi ni ComElec Commissioner Rowena Guanzon, pipigain pa nila ang listahan ng presidential aspirants. Ang final list ay ilalabas nila bago matapos ang taon. Dahil ang simula ng printing ng balato ay sa Enero 2, 2022.
Ang mga nasa initial list ay sina Vice President Leni Robredo, dating Senador Bongbong Marcos, Sen. Manny Pacquiao, Sen. Ping Lacson, Manila Mayor Isko Moreno, dating Presidential Spokesman Ernesto Abella, labor leader Leody de Guzman, dating National Security Adviser Norberto Gonzales, Maria Aurora Marcos, Hila-rio Andres, Gerald Arcega, Danilo Lihaylihay, Faisal Mangundato, Jose Montemayor Jr., at Edgar Niez.
Minalas na ‘di mapasama ang kontrobersiya na si retired military General Antonio Parlade Jr.
Sabi ng Comelec, pinag-aaralan nila ngayon ang kandidatura nitong Aurora Marcos na maaring makakalito kay Bongbong Marcos.
Si Bongbong Marcos man ay ‘di pa sigurado dahil sa petition laban sa kanyang kandidatura kaugnay ng kanyang conviction sa ‘di pagbabayad ng tax ng ilang taon noong gobernador siya sa Ilocos, sabi ng ComElec.
Abangan!