Advertisers
KASUNOD ng pananalasa ng bagyong Odette kamakailan, muling iginiit ni Senator Christopher “Bong” Go ang pagsasabatas ng mandatoryong pagtatayo ng ligtas na evacuation centers sa bawat munisipalidad, lungsod at probinsiya sa bansa.
Idiniin ni Go na kinakailangan nang kumilos para magkaroon ng disaster resilience measures sa bansa, kagaya ng Senate Bill No. 1228 o ang “Mandatory Evacuation Center Act”, na kanyang inihain noong 2019.
Layon ng kanyang SB No. 1228 na tiyakin na ang mga biktima ng kalamidad ay magkakaroon ng temporary shelters kung saan sila mas magiging ligtas at mapoprotektahan ang kapakanan habang nagrerekober mula sa pagkasalanta.
“When disaster strikes, the Filipinos, especially ‘yung mga underprivileged, suffer. In most instances, this disaster renders their homes unlivable, leaving the victims without roofs. Ibig sabihin nasisira ang mga bahay, marami pong apektado,” ayon kay Go.
“Minsan po, ‘di nagagamit ang mga paaralan kapag ginagamit ang mga eskwelahan (bilang evacuation centers)… Kaya panahon na po magkaroon tayo ng evacuation center sa bawat bayan,” idiniin ng senador.
As of December 28, umaabot sa 1,290 paaralan o 7,489 silid aralan ang ginagamit bilang evacuation centers sa MIMAROPA, Regions 5, 6, 7, 8, 9, 10, 11 at Caraga ng mga pamilya nasalanta ng bagyong Odette, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council.
Ang apektadong pamilya ay sumipa na sa 1,082,910, katumbas ng 4,235,400 individuals sa Visayas at Mindanao.
Sa mga nakalipas, sinabi ni Go na ang mga biktima ng kalamidad ay dinadala at nagtitiis sa mga barangay centers, paaralan, plaza, gymnasiums o basketball courts na hindi ligtas bilang pansamantalang tuluyan.
“Kailangang magpatayo tayo ng mga safe, permanent and dedicated evacuation centers na merong sapat na mga emergency packs, katulad ng blankets, tubig, gamot, flashlight at ready na relief goods.”
“Obligasyon ng gobyerno na palaging maging handa na tumulong sa oras ng sakuna,” sabi ni Go.
Sa kanyang bill, sinabi ni Go na titiyakin sa bawat evacuation center, ang maayos na lokasyon, amenities and accessibility, operation and management, at iba pa
Sa ilalim nito, ang NDRRMC o ang successor nito ang magsisilbing lead agency sa implementasyon sakaling ito ay maisabatas.
Kasalukuyang nakabimbin ang SBN 1228 sa Senate Committee on National Defense and Security, Peace, Unification and Reconciliation, kasama ng SBN 205, na inihain din ni Go noong 2019 na layon namang lumikha ng Department of Disaster Resilience (DDR).
Kapag nalikha na, ang DDR naman ang magiging lead agency sa lahat ng disaster preparedness at management activities.
“Talagang napapanahon na. ‘Yun po ang aking isinusulong na dapat maipasa na po ito. At huwag na natin hintayin na panibagong bagyo at lindol,” ayon kay Go.