Advertisers
TUNAY na hindi nag-iisa ang Pilipino sa pagharap sa mga sakuna. Nariyan ang mga kapit bansa na nag-aabot ng tulong o ayuda na pansamantala’y tumatawid sa ilang araw na pangangailangan ng mga apektadong pamilya dulot ng bagyong Odette. Tunay na nakakataba ng puso ang nakikita bilang kaibigan kapitbansa na hindi na kailangan sabihan o hingian ng tulong. Kusang nagbigay ng ambag na pantawid ng mga Pinoy na tinamaan at nasalanta ni bagyong Odette. Pero ang tanong bumaba ba ang mga ayuda galing sa kapit bansang may puso at madalang pa sa patak ng ulan ang pagbaba ng mga ito sa pinaglaanan.
Hindi makita ng mga dapat pag-abutan ang ayudang para sa kanila, o baka sinasala sa aduana o hinahanapan ng buwis bago ipamigay kay Mang Juan na nagPasko na basa, walang bahay at makain. Mukhang nakatulugan ng bida ng kulambo na napanaginipan ng isang bangungot ang kaganapan na sinapit ni Mang Juan.. Bangon na Totoy Kulambo, kailangan ng gumalaw at lumalala ang delubyo sa kawalan ng mabilis na aksyon galing sa pamahalaang walang paki kay Mang Juan.
Totoy Kulambo panahon ngayon ng pagtulog este pagtulong at hindi ng eleksyon. Ang mabilis na ayudang iaabot sa mga kinawawa ni Odette ang pinaka mainam na magagawa at isantabi ang mga kalokohan at papogi points. Hindi na malaman ng kapwa mo Bisaya kung saan tatakbo dahil gutom at ginaw na kinakaharap na umaasa sa mabilis mong pagtulong sa kinasadlakan. Subalit ang mabilis na pagtulong na inaasaha’y kasing bagal ng iyong paglakad na aalog-alog na kailangan alalayan at baka matumba. Tunay na huli si Mang Juan sa iyong isipan lalo’t lalabas ang pera sa kabang bayan. Mukhang mas mauuna ang papogi’t boladas na mensahe bago ang tulong sa mga Pinoy na naghahanap ng pakikiisa’t dalamhati. Nagdatingan na ang ayudang mula sa mga dayuhan habang ang nakatunganga’t nag-iisip na si TK kung saan kukuha ng salapi na gagamitin sa pagtulong o kung paano makaaabot ang ayudang dapat.
Tunay na ang pusong dalisay hindi matatawaran ngunit ang mapagkunwari’y hindi malaman ang dapat gawin sa oras na nariyan ang pangangailangan. Walang seremonya ang dapat gawin at agaran ang galaw upang makarating ang dapat makarating lalo sa nangangailangan. Ito ang ginawa ng ilang mga nagsumikap na tumulong sa maliit nilang kakayanan, walang pag-iimbot na pagtulong sa kapwa. Kusang naglalabas ang pagtulong at katapat nito ang kusang paglabas ng mga nasalanta upang magpasalamat at tangapin ang tulong kahit konti basta galing sa puso. Isinasantabi ang mga seremonya’t mabilis na aksyon ang ginagawa na siyang kailangan ng mga nasalanta ni Odette.
Sa pangyayaring naganap sa bayan, ang nagmulat at gumising sa Pinoy na magdadala ng pagbabago sa bansa. Ano man ang gawin upang makuha ang simpatya ni Mang Juan at kilalanin ang ginawa ng pamahalaan mukhang hindi ito kagat sa kasalukuyan. Batid na malakas ang kanilang makinarya sa halalan subalit mukhang hanggang duon lang at ang pagtulong sa kapwa’y may kapalit. Ang huwad na aksyon sa pagbibigay tulong ang nabatid ng mga biktima ni Odette na papasanin ng mga kapanalig ni Totoy Kulambo. Ang pakitang taong pagtulong ang aanihin sa kinabukasan dahil lumiliwanag na wala si Mang Juan sa inyong puso at isip, dahil sarili muna bago ang bayan. Kahit na dapat gawin ito bilang lingkod bayan. Subalit hindi manhid si Mang Juan na ang mga kilos na tulong na binibigay sa kanila’y isang palabas.
Sa totoo lang, batid ng Pinoy ang karakas diablo ng mga mapagpangap na animo’y anghel sa paglapit ngunit iba ang tangap sa kilos ni Mang Juan. Ang nipis ng pagkakilala ng bayan sa mga ito na tila kasaysayan na paulit ulit na hindi matutunan dahil sa mga disimpormasyon na ginagastusan upang papogiin ang imahe ng bulok na kalooban. Dama ng Pinoy ang kawalan ng dalisay na pagdamay dahil una ang pagpapakilala at hindi ang pag-alam sa kalagayan hinaharap na dulot ng bagyo. Mariin ang pagsasabi na ang ayuda’y mula kay……, at paglisan ng karakaraka ng makarami ang masasabihan ng ngalan. Di bale na ang ayuda marami pa naman lalo ang sako sakong salapi na galing sa kaban bayan. Sumige kayo at magpakasasa, hindi bulag si Mang Juan sa katotohanan na ang tunay na galaw hindi sa uri ng ayudang naiwan subalit ang pagkataong madama sa pakikipag-ugnay. Mabuti’t may abot ang mga taong buktot subalit hindi makakamit ang basbas ng mamamayang ginising ng pagkakataon. Galing sa buwis ng bayan ang inaabot kaya’t nararapat na ito’y tangapin.
Sa kaganapan na dulot ng kalikasan sa kapaligiran, tunay na may basbas ng nasa itaas. Malinaw na ‘di ibig ng sanlumikha ang kasalukuyang kaayusan sa bansa kaya’y ginigising ang Pinoy sa dapat at tamang pagpapasya. Ipinapakita sa kaganapan ang maari mangyari sa kinabukasan. Ang pagsusumikap na gisingin ang Pinoy ang dapat makita ni Mang Juan at ng balana na siyang pinahihiwatig ng sanlumikha. Mapait ngunit kailangan danasin ang pagsubok para sa pagbabago, pagbabalik sa tamang landas na may pagkalinga sa kapwa. Ang nais nito’y makita ang bansa na kasama sa pagsalubong sa bagong kaayusan na may dignidad at kinikilala sa mundo. Ikaw Mang Juan, ang pagbabasa ng sitwasyon na may pagtingin sa kasalukuyan na dadalahin sa hinaharap ang masdan ng ‘di malilo ng ilan na nagpapangap na para sa taong bayan. Ang paggamit ng mga kung anu-ano papogi upang makuha ang basbas ng baya’y tunay na hinahadlangan ng kalikasan at ito ang mensaheng dapat makita ng bawat Pinoy na may pagmamahal sa bayan. Ang hagupit ng kalikasa’y isang patunay na gumagawa ito ng paraan upang makita ng Pilipino ang galaw ng mga lilo para sa sariling interes. Ngunit laging nahuhuli ito sa mismong kilos ng mga mapagimbot na lingkod bayan.
Gumising Pinoy, ang pagpili sa kinabukasan ang ipinahihiwatig ni Inang Kalikasan. Hindi kaya ng trolls o propagandista ang ipinapakita ni Inang Kalikasan kung paano kumikilos ang mga nilililo ng makuha ang pagsangayon nito. Ngunit hindi maitago ang tunay na layon o pakay para sa sariling pagnanais at ‘di sa bayan. Sa pagdaan ng araw bago ang ayuda’y palatandaan na hindi si Mang Juan ang una sa mga taong nasa poder. Sa halip una ang sarili at ang kampon bago silipin ang kalunos-lunos niyong kalagayan. Ang kilos ang siyang nangungusap ng intensyon, at hindi maitatago na inilalabas ng sanlumikha dahil sa kanaisan nitong pagbabago. Ang pagpapaabot ng mensahe na ang tamang pagbabago’y nasa ating kamay at huwag hayaan na dumulas ito sa pambibilog ng talampas ng lipunan. Gising Pinoy ngayon at ang bukas ang nakasalalay sa iyong pagpapasya. Ang larawan kung anong uri ng liderato ang nais ni Totoy Kulambo’y ipinakita na ni Odette. At ang magpalilo pang muli’y magsasadlak sa Bayan sa mas mahabang delubyo. Ang panggigising ng kalikasa’y naguhit na sa bawat sulok ng bayan na hinagupit ni Odette. Gising Pinoy, ito ang sabi ni Inang Kalikasan!
Maraming Salamat po!!!!