Advertisers

Advertisers

Dahil sa pagtaas ng COVID-19 cases: 2 OSPITAL SA MAYNILA, SARADO MUNA – ISKO

0 249

Advertisers

INANUNSYO ni Manila Mayor at Aksyon Demokratiko presidential bet Isko Moreno na dahil sa pagtaas ng kaso ng COVID-19 bunga nang nakalipas na holidays, dalawang ospital na pinatatakbo ng lungsod ang pansamantalang isinara sa publiko.

Kasabay din ito ng pahayag ni Moreno na bawal ng pumasok sa lahat ng malls sa Maynila ang mga adults at minors na hindi bakunado.

Nabatid na nagsagawa ng emergency meeting si Moreno kasama sina Vice Mayor Honey Lacuna, Manila Health Department chief Dr. Poks Pangan at iba pang may kinalamang opisyal at mga kawani upang pag-usapan ang mga hakbang na gagawin upang mahadlangan ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa lungsod.



Si Lacuna, na siyang in charge sa city’s health cluster, ay iniulat na ang Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center (GABMMC) na pinamumunuan ni Dr. Ted Martin at ang Justice Abad Santos General Hospital (JASGH) sa ilalim ni Dr. Merle Sacdalan ay pansamantalang isinara dahil sa mataas na bilang ng kaso ng pasyenteng may COVID na nakapanghawa din sa maraming kawani ng ospital.

Mula sa ulat ni Martin, sinabi ni Lacuna na ang GABMMC ay nagsara ng kanilang emergency admissions sa loob ng tatlong araw habang sinabi naman ni Sacdalan na ang JASGH ay nagsara din dakong alas-8 ng gabi ng January 1. Ang mga nasabing ospital ay nananatiling sarado habang sinusulat ang balitang ito. Ang GABMMC ay nagsisilbi sa mga residente ng unang distrito ng Tondo habang ang JASGH ay nagsisilbi sa ikatlong distrito ng Maynila.

Samantala ay may 20,000 tablets o 500 botelya ng life-saving COVID drug na Molnupiravir ang dumating sa Manila City Hall nitong Lunes. Dahil dito ay mayroon ng kahandaan ang pamahalaang lungsod sakaling patuloy na tumaas ang bilang ng mga pasyenteng may COVID-19.

Ayon kay Moreno, hanggang January 3, may 41 percent ng kabuuang bed capacity ng anim na pinatatakbong ospital ng Maynila ang kasalukuyang okupado na.

Samantala sa Manila COVID-19 Field Hospital, 93 percent o 321 ng may kabuuan 344 na kama ay okupado na rin habang ang mga quarantine facilities ay may 5 percent na occupancy rate. (ANDI GARCIA)

style="display:block" data-ad-client="ca-pub-7020468026123536" data-ad-slot="5705765747" data-ad-format="auto" data-full-width-responsive="true">