Advertisers
LIMANG Chinese nationals na miyembro ng kidnap for ransom syndicate at isang Pinoy ang dinakip sa entrapment operation matapos kidnapin ng mga ito ang isa nilang kababayan sa Parañaque City nitong Lunes.
Sa report na isinumite ng hepe ng Parañaque City Police na si Colonel Maximo Sebastian Jr. kay Southern Police District (SPD) director Brigadier General Jimili Macaraeg, kinilala ang mga suspek na sina Hu Yang, 34 anyos; Zhang Jie, 28; Cen Sha Lu, 28, nanunuluyan sa City of Dreams; Shen Fa, 27, naninirahan sa PBCOM Tower, Ayala Avenue; Han Xun, 33, nakatira sa Shore Residence Pasay City; at Hazel Cotaco, 37, naninirahan sa Barangay Putatan, Muntinlupa City.
Sa report, 4:00 ng hapon nang madakip ng mga tauhan ng Parañaque City Police ang mga suspek sa isang hotel sa kahabaan ng Bradco Avenue, Barangay Tambo. Na-rescue naman ang biktima ng mga ito na si Shaomen Hu, 25, Chinese national.
Nakatanggap ng impormasyon ang mga pulis mula sa negosyanteng si Jie Sun, 25, na kinidnap ng mga suspek ang biktima nitong Lunes, Enero 3, alas-4:00 ng umaga sa Monarch Park Suites ng nabanggit na lungsod.
Nakatanggap ng mensahe si Sun mula sa mga kidnapper na pinatutubos ng halagang P700,000.00 para sa kalayaan ng biktima.
Habang isinasagawa ang pag-aresto sa mga suspek, nakumpiska ng mga pulis mula sa isa sa mga suspek na si Xun ang isang plastic sachet ng shabu na nasa 1.7 gramo at nagkakahalaga ng P11,990.00.
Sasampahan ang mga suspek ng kasong kidnapping at paglabag sa Sections 11 and 12, Article II of RA 9165. (Gaynor Bonilla)