Advertisers
NITONG nakaraang linggo halos lahat ng balita ay tungkol sa mga mahahalagang pangyayari o nakagigimbal na kaganapan noong nakaraang taon. Kaya naman nag-ulat na rin ang National Task Force to End Local Communists Armed Conflict (NTF-ELCAC).
822 barangay ang sabi ng mga ‘cluster head’ ng task force ang nabiyayaan ng Barangay Development Program (BDP) para sa 2021, kung saan ang 20 milyong piso ay ginugol sa anumang nais ng kada-barangay sa ating mga kanayunan na pineste at nalinis na sa kamay ng mga komunistang-terorista, ang mga pumili kung ano ang dapat paggamitan ng pondo, gaya ng farm-to-market road, silid paaralan, patubig o pangkalusugan.
Sa pagpasok ng bagong taon 2022, may naka-linya pang 1,406 na mga barangay na bibigyan pa ng BDP, kaya nga lang eh natapyasan ng ating mga mambabatas ang budget na hiningi ng NTF-ELCAC para sa taon na ito.
Sabi ng mga cluster head, pagkakasyahin na lamang kung anumang halaga lang ang naaprubahan na budget ng ating magagaling na mambabatas, dahil sa dami nga ng nagawa para sa 2021 at naipangako na ang para sa 2022, umaasa ang 1,406 na mga barangay na sila rin ay mapagmamalasakitan ng pamahalaan, partikular na ang Administrasyong Duterte na siyang nagtulak ng “whole-of-nation approach” para tapusin ang 53 taon ng pamemeste ng Communist Party of the Philippines, New People’s Army, National Democratic Front (CPP-NPA-NDF).
Bunga ng BDP ang sabi ni Interior and Local Goverment Assistant Director Rene Valera ang 74 sa 81 probinsiya ng pagdedeklara na ‘persona non grata’ na ang mga CPP-NPA-NDF sa kanilang mga lugar. Kabilang dito ang 26,353 mga barangay, 1,436 na mga munisipalidad at 110 mga siyudad na naglabas ng mga resoluyon na naghahayag ng pagkakadismaya sa mga pinaggagawa ng mga komunistang-terorista.
Dagdag pa ni Valera, na Local Goverment Empowerment Cluster head, maging ng Basic Services Cluster at Local Peace Engagement Cluster, katuwang nila ang mga local goverment unit sa pakikipag-ugnayan sa mga taga-barangay kung paano at saan gugulin ang pondng galing sa BDP, dahil ang mismong mga taga-barangay ang nakaka-alam kung ano ang kanilang pinaka-kailangan para mapagaan kahit na ng kaunti ang kanilang mga kalagayan, matapos dumaan sa mga kamay ng CPP-NPA-NDF.
Si Navy Capt. Ferdinand Buscato, na Executive Director ng Task Force Balik-Loob at ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP) at Amnesty Cluster head ng NTF-ELCAC ay nag-ulat naman na mula ng manungkulan ang Pangulong Rodrigo Roa Duterte ay 20,579 ng mga dating rebelde ang sumuko at natulungan na ng pamahalaan na makabalik sa normal na pamumuhay dahil na rin sa tulong ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan na miyembro din ng task force, gaya ng TESDA, DSWD, DoT, DOLE, DTI, DILG at maging ng Land Bank of the Philippines.
Si TESDA Secretariat Head, Director Glenn Murphy, ng NTF-ELCAC Poverty Reduction, Livelihood and Empowerment Cluster naman ay nagsabi, na nag 822 barangay na nabigyan ng BDP para sa 2021 ay 97 percent ng matapos ang mga hininging mga project. Aniya, ang magagandang nagawang project tulad ng mga solar power installation sa mga barangay ay nakapagbigay ng mga elektrisidad sa mga tahanan at tubigan sa mga bukirin. Kasama na ang pagtatayo ng mga ‘foodhub’ o mga “bagsakan” kung saan mailalako ang kanilang mga ani na bunga ng kanilang mga pananim.
Ang tatlong opisyal ng NTF-ELCAC Clusters ay nangako pa, na ipagpapatuloy pa rin ng task force ang mga naipangakong tulong sa mga barangay na naka-programa na para sa taong ito, masiguro lamang na di na makakabalik ang mga pesteng CPP-NPA-NDF sa mga barangay na ito, at kahit binawasan pa ng magagaling nating mga deputado sa Kongreso at Senado.